Advertisers

Advertisers

HUWAG MAGPALINLANG SA BOPOLS

0 14,361

Advertisers

HINDI maalis ng butangera ng timog ang pagiging plastic nang bigyan nito ng “letter of encouragement” ang manlalaro sa isang liga na hindi napigil ang sarili at nanapak ng kapwa manlalaro na kabilang sa kalabang koponan sa larong basketball. Nakatabang puso ang liham mula sa halal na butangera tungo sa butangero na nanapak ng kapwa manlalaro. Tulad ng ginawa ng halal ng bayan mula sa Lungsod ng Dabaw, na walang pakundangan inundayan ng sapak ang isang kawani ng korte na napag-utusan lang ng huwes. Ang kagandahan nito, nagkapasa pasa ang mata ng kawani sa lakas ng buntal na tinamo sa isang halal ng bayan. Kahit patuloy na lumalayo ang kawani ‘di napigil ang butangerang alkalde sa pananakit kahit inaawat ng asawa’t mga tauhan. Tama ba ito Inday Sapak?

Lumipas ang panahon, mas umigting ang tema sa buhay ni Inday Sapak, higit o lalong mas naging mabalasik ito nang mabola ng ama ang bayan at nakuha ang panguluhan ng bansa. Napakapalad ngunit hindi nakitaan ng kababaang loob sa panahon ng tagumpay. Naging arogante sa panahon na ito ang tumatayong first daughter ng amang ‘di maipakita ang tunay na asawa. Ang mga kilos pahabol nito’y mahalaga sa mga ambisyosong politiko na ibig makalapit sa ama para sa basbas na ibig. At sa pagtulong sa kapwa mandirigma sa kaban ng bayan, unti-unting inilalatag ang ambisyon sa hinaharap. Ginagampanan ang mga pagpapasinaya sa mga proyekto ng pamahalaan ng amang lagi sa ilalim ng kulambo. Sa paglalatag ng ambisyon sa hinaharap tila nasisiyahan ang ama sa kadahilanang may pasahan ng trono. Trono magse selyo na hindi ito haharap sa mga usapin na may kinalaman sa mga laban na ginawa na kung saan libo-libo ang nawalan ng buhay.

Ang paglalatag na ikinasisiya ng ama’y tila nabantilawan ng magpasya at magbigay daan kay Boy Pektus. Ngunit sa pagbigay sa ambisyon tila isa itong Queen’s Gambit na sa panalong natamo hindi nawala ang ambisyon sa halip kumikilos ito ng palihim at pinatatatag ang kapit sa nanalong party goer. Nakuha ang ilang ibig at naghihintay ng tamang panahon, na maari nang kunin ang pwestong asam. Hindi bumababa ang pagnanasa at patuloy sa paglalatag. Nariyan ang malalaking budget sa mga kagawarang pinamumunuan. At humingi ng malaking budget para sa Intelligence at Confidential Fund na ‘di karaniwan sa hawak na kagawaran. Nakikipagpulong sa opisyal ng pulis at sandatahang lakas ng hinggil sa seguridad ng bansa o para sa sarili. At ilang ulit na naging Caretaker ng bansa ng lumabas si Boy Pektus para sa opisyal pasyal.



Sa pagtakbo ng panahon, unti-unting nagkakahugis kung anong uri ng liderato ang meron si Inday Sapak. Malamya ang mga mungkahi para sa kagawaran lalo sa mga bata at kabataan na nasa ilalim ng kagawarang pinamumunuan. Nagmungkahing ibalik ang ROTC sa Junior at Senior HS upang maibalik kuno ang pagiging magalang ng mga ito. Ang pagbabalik ng ROTC’y paghahanda kuno upang mabuhay ang pagiging nasyonalismo ng mga kabataan. At kung magkaroon kuno ng ‘di nais na pananakop sa bansa may kahandahan ang kabataan sa pagtatanggol ng bansa. O’ ibig ni Inday Sapak na lumikha ng sariling kawan ng sundalo na bulag at pipi na susunod sa nais sa darating na panahon. Ngunit naka enkwentro ito ng malakas na pagtutol sa mga magulang at mismo sa kabataan. Hindi pa man sumusuko tila nanahimik si Inday Sapak sa mungkahing ito.

Sa sumunod na kabanata ng galaw ni Inday Sapak, hindi pinalampas ng Sanlumikha at inilabas ang pag-uugali ni Inday Sapak ng sinagan ito ng sikat ng araw sa isang opisyal na gawain.. Hindi naibigan na masinagan ng araw at dagling itinigil ang paghahatid ng mensahe dahil hindi handa sa sinag ng araw na tumama sa mukha. Tumigil at nagsabing hindi naka Sunblock, mayroong natawa ngunit mas marami ang nadismaya. At ibinalik kay Inday Sapak ang sariling rason kung bakit pinapaarawan ang mga kabataan sa ROTC gayung siya’y takot sa araw. Anak ba ito ng dilim?

Lumakad ng bahagya ang araw at nariyan na naman ang malamyang panukala na isama sa gawain ng bata’t kabataan na nasa mga paaralan ang toothbrush drill. Nais nitong maging mandatory ang toothbrush drill upang makita ang maputing ngipin ng mga kabataang walang makain. Walang pagtutol, ngunit ang maisusubo’t kakanin ang usaping bayan na hindi malunasan ng kasalukuyang pamahalaan. Nariyan ang napakamahal na bilihin bakit uunahin ang paglilinis ng ngipin na hindi masayaran ng naiwang pagkain. Maganda ang programang nais at nakagigiliw sa mga kabataan na ang pangunahing problema ay ang pagkain.

Sa usapin ng mga kabobohan, hindi mauunahan ang Inferior Dabaw Group (IDG) lalo sa mga panukalang ikabubuti kuno ng baya’t kabataan. Walang tama sa puso at sikmura ng Pinoy ang mga panukala sa halip nagpapansin lang at puro pa pogi ang binabangit. At sa totoo lang, tila nandidiri si Inday Sapak sa mga nakakausap na hindi katulad ang tayo sa lipunan. Panay pagpapanggap ang siste sa buhay ngunit kabisado ni Mang Juan na ang ibig nito’y hindi para sa kagalingan ng bayan. Balewala sa Butangera kung ano ang kalalabasan ng kilos o pahayag, ang mahalaga’y may mga mungkahi para magamit ang pondo ng kagawaran. Ang mahalaga’y makuha ang nais kahit sino ang masaktan. Hindi sisinuhin kahit si Boy Pektus ang tamaan. Malinaw ang pagiging Orocan o Tupperware nito. Ngunit sa mga mapagmasid mababaw ang kilos nito at madaling mabasa.

Sa paglapit ng kapatid ni Boy Pektus na si Sen. Sandok sa IDG lalo kay Inday Sapak, tila may nababasa itong dapat malaman ng ‘di maunsiyame ang paglilinis ng kanilang ngalan. Ang tuwirang paghawak ng timon ang mahusay na paraan ng matiyak ang kalalabasan ng paglilinis. Hindi hahayaan sa ibang kamay ang pagkuskos sa paglilinis ng ngalan dahil batid ni Sandok na may sariling usapin ang pamilya ng butangera na magsasantabi sa nais nito. Sa kababawan sa isip, gawa, at pahayag malinaw na walang patunguhan ang balak ni Inday Sapak. Sa aga ng pagkakalat sa kagawaran, malinaw na indikasyon na hindi ito para sa upuan na minsan na luklukan ng ama. Hindi tumatama ang kidlat sa parehong lugar lalo’t sa madaling panahon. Hindi magpalinlang ang bayan sa mga bopols ng katimugan lalo’t naranasan na sa nakaraan. Huwag na muling magsisi at matututo sa pagkakamali mga kababayan sa nakaraan. Itaguyod ang tama at dapat para sa bayan.



Maraming Salamat po!!!