Advertisers
WALO katao ang nasugatan sa sunog sa isang factory ng plastic straw sa Bagong Barrio, Caloocan City, Sabado ng umaga.
Ayon kay Elvira Solano, sektretarya ng nasunog na factory, nagsimula ang sunog sa isa sa mga kuwarto na tinutuluyan ng mga manggagawa.
“Mayroong mag-ina na namalengke, iniwan nila yung charger nila kasi gawain naman daw yun nila ang cellphone…maya-maya may umusok na…tuloy-tuloy na yung sunog,” kuwento ni Solano.
Ayon naman sa ulat ni Fire Officer 1 Jhon Michael Manalo ng BFP-Calooan, pawang minor injuries ang tinamo ng mga nasugatan gaya ng mga paso sa balat na agad din namang nabigyan ng paunang lunas.
Nagsimula ang sunog 9:00 ng umaga na umabot lang sa unang alarma bago idineklarang fireout 10:37 ng umaga o makalipas ang higit isang oras.
Patuloy pa ang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection sa kung ano ang tunay na pinagmulan ng apoy at ang kabuuang halaga ng pinsala ng sunog.