Advertisers
SINIBAK na sa puwesto ang regional director ng Philippine Drug Enforcement Agency sa National Capital Region (NCR) kasunod ng pagkaaresto sa isang opisyal at dalawang ahente ng ahensya sa buy bust operation sa mismong district office ng PDEA sa Taguig City.
Sa anunsyo ni PDEA Director General, Moro Virgilio Lazo, kinilala si Emerson Rosales bilang bagong hepe ng PDEA-NCR kapalit ni Christian Frivaldo.
Naging direktor si Rosales ng PDEA-Western Visayas bago italaga bilang hepe ng PDEA-NCR.
Inihayag din ni Lazo na ang lahat ng tauhan ng PDEA Southern District Office ay na-recall narin dahil sa insidente noong nakaraang linggo.
Sa operasyon noong Disyembre 6, nakuhanan sina SDO director Enrique Lucero, PDEA agents Anthony Vic Alabastro at Jaireh Llaguno, at ang driver ni Lucero na si Mark Warren Mallo ng 1.35 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P9.18 milyon, buy-bust money, 4 na baril at isang digital weighing scale.
Nauna nang kinondena ng Taguig City government ang insidente at binawi sa PDEA ang gusaling pag-aari ng lungsod na ginagamit ng SDO.
Sinabi ni Lazo na tinanggihan ni Mayor Lani Cayetano ang kahilingan ng bagong PDEA-NCR director at community relations officer ng PDEA para sa isang courtesy call noong nakaraang linggo upang talakayin ang usapin.
Sinabi ni Lazo na hihilingin niya kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. na tulungan ang PDEA sa pagkumbinsi sa Taguig City government na muling isaalang-alang ang hiling nito.
Nauna nang sinabi ni Abalos na kakausapin niya ang LGU Taguig City kaugnay ng pansamantalang pagsuspinde ng suporta nito sa PDEA dahil sa pagkakasangkot ng mga tauhan nito sa aktibidad ng ilegal na droga.