Advertisers
DINISKWALIPAY ng Commission on Elections (Comelec) Second Division si Cagayan Governor Manuel Mamba dahil sa paglabag sa “spending ban” noong 2022 national at local elections.
Unang inakusahan ng petisyuner na si Zarah Rose De Guzman Lara si Mamba na ginamit ang pondo ng provincial government sa pangangampanya at nagkaroon umano ng vote buying. Tinalo ni Mamba si Lara sa nakalipas na eleksyon.
Nabigo si Lara na patunayang nagkaroon ng vote buying pero nakapagharap ito ng ebidensya na nilabag ni Mamba ang 45 araw na ban sa pagpapalabas ng public funds.
Ayon sa Second Division, walang naipakitang ebidensya si Mamba na tumugon ito sa requirement kaya naging ilegal ang pagpapalabas ng pondo. Hindi rin umano nagbigay ng exemption ang komisyon sa 2 programa ni Mamba na Oplan Tulong sa Barangay at Krusada Kontra Korapsyon.
Hindi naman itinanggi ni Mamba na nagkaroon ng disbursement ng pondo sa naturang proyekto subalit depensa nito na ang programa ay hindi vote buying kundi bahagi ng kanyang tungkulin bilang isang gobernador.
Kaugnay nito, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na maari pang maghain ng motion for reconsideration si Mamba sa loob ng 5 araw.