Advertisers
NILAGDAAN na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang P5.268 trilyong national budget para sa taong 2023.
Saksi sa paglagda ng Pangulo sa 2023 General Appropriations Act sa Malakanyang sina Vice President Sara Duterte, Senate President Juan Miguel Zubiri, House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga mambababatas.
Sinabi ng Pangulo, mahalaga ang budget dahil magsisilbi itong lakas para maipatupad ang roadmap at iba pang mga programa sa susunod na taon.
Paulit-ulit aniyang pinapaalala sa kanya ni House Speaker Martin Romualdez na ito na ang pinakamabilis na budget na naipasa ng Kongreso.
“It is always very important that the GAA has been put together in consonance with all of the plans of the Executive. And that kind of coordination and that kind of synergy that we will gain from that is going to be an essential part of the way that we move forward,” pahayag ng Pangulo.
Pinasalamatan ng Pangulo ang mga mambabatas maging ang Department of Budget and Management.
“All of these elements that are important for us to position ourselves in the new — I nearly said new society — in the new economy after the pandemic,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Ang pambansang pondo ay niratipikahan ng kongreso, na naglalayong pasiglahin ang mga layunin ng administrasyon para sa pagbangon ng ekonomiya.
Kasama rito ang naibalik na P150 million confidential at intelligence fund para sa Department of Education sa pamumuno ni VP Sara at P500 million na halaga ng confidential at intelligence funds sa ilalim ng Office of the Vice President. (Larawan kuha ni: JACK BURGOS)