Advertisers

Advertisers

BONG GO: TIYAKING WALA NANG MASASAYANG NA BAKUNA

0 190

Advertisers

MULING nanawagan si Senate committee on health and demography chair, Senator Christopher “Bong” Go sa mga Pilipino na makiisa sa layunin ng gobyerno na malampasan ang pandemya sa lalong madaling sa pamamagitan ng pagpapabakuna laban sa COVID-19 habang sinisikap naman ng Department of Health na makakuha sa manufacturers ng bivalent vaccines.

Ayon kay DOH officer-in-charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, inaasahang magiging available na ang bivalent vaccines sa bansa sa unang quarter ng 2023.

“(Itong) bivalent vaccines, pag-aralan munang mabuti kung epektibo na ba ito para sa atin ngayon. Hindi pa nga nauubos ang mga bakunang nandidiyan, nae-expire (na) nga ang iba, so I’m sure mas alam po ito ng ating mga health officials kung ano ang dapat gawin sa ngayon. Kung nararapat na bang bumili, kakailanganin na ba?,” ani Go sa panayam sa kanya matapos pangunahan ang relief operation sa San Nicolas, Batangas kamakailan.



“Makukumbinsi ba natin ang mga kababayan natin na magpaturok nito. Dapat po walang masayang. Pero mas importante sa akin ‘yung buhay at kalusugan ng bawat Pilipino. Mas mabuti na ‘yung ahead tayo na hindi tayo mabibigla… Mas mabuti na ‘yung protektado tayo sa sakit,” idiniin niya.

Umaasa si Go na sa pagsisikap ng gobyerno ay higit pang mapabilis ang pagbangon ng bansa at bumalik sa normal.

“Sigurado akong pinag-aaralan ito ng ating mga opisyal ng Department of Health. Suportado ko po ito kung saka-sakali bilang inyong chairman sa committee on health sa Senado, suportado ko po kung ano ang plano ng Department of Health officials basta protektado po ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.”

Kaugnay ng mga isyu sa pag-aaksaya ng bakuna, hinimok ni Go ang Commission on Audit (COA) na gawin ang mandato nito at i-audit ang mga pondong ginagamit para sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19.

Paulit-ulit ding nanawagan ang senador para sa kooperasyon at transparency para alam ng publiko na ang mga pondong ginamit sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19 ay ginagastos nang wasto.



“Ako naman po, I am for transparency. Ano po ang katotohanan, ano bang nangyari, bakit nag-expire po ito? Napalitan na ba ito ng mga bagong bakuna? Pera po ito ng gobyerno, bawat piso, bawat sentimo po ay dapat po na malaman ng taumbayan” patuloy niya.

Sa kabilang banda, sinabi ni Vergeire na ang DOH ay nagsumite na ng mga kinakailangang dokumento sa COA kaugnay sa pagkuha ng bakuna laban sa COVID-19 ng pambansang pamahalaan.

“Handa pong harapin ng Kagawaran ng Kalusugan ang anumang katanungan ukol sa ating pagbili ng bakuna sapagkat kampante tayo na lahat ng mga prosesong isinagawa ng ating pamahalaan sa pagbili ng mga bakuna upang maprotektahan ang ating mga kababayan ay nakaayon sa batas.”

Binigyang-diin kung paano naging eye-opener ang pandemya para sa gobyerno, patuloy ding isinusulong ni Go ang kanyang kambal na mga panukalang pambatas, ang Senate Bill Nos. 195 at 196, na makatutulong nang malaki sa sektor ng kalusugan ng bansa.

Ang iminungkahing SBN 195 ay magtatatag ng Philippine Center for Disease Control and Prevention na magsisilbing nangungunang ahensya sa pagkontrol at pag-iwas sa nakahahawang sakit.

Ang SBN 196 naman ay layong lumikha ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines na magsisilbing principal laboratory ng bansa sa pagbibigay ng virology laboratory investigations, research, at technical coordination ng buong network ng virology laboratories sa buong bansa.

“Dapat po palagi tayong handa. Lagi ko pong sinasabi na dapat maging one-step ahead tayo sa kahit kailan sakuna. Nakita naman natin ang dinulot ng COVID-19 sa ating bansa. Mas mabuti na handa tayo. Mas mabuti na makagawa tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa,” ani Go.