Advertisers
MAHAHARAP na naman sa panibagong usapin ang kontrobersyal na suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief, Director General Gerald Bantag, nang tiyakin ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, Jr. na kakasuhan niya ito ng ‘plunder’ dahil sa hindi natapos na proyektong pagpapatayo ng bilangguan kahit bayad na ng P1 bilyon.
“Oo, mag-file ako ng plunder,” banggit ni Catapang.
Ipinaliwanag ni Catapang na 60 percent palang ang natapos sa project ng BuCor.
“Imagine P1 billion ‘yung pera ng gobyerno para sa pagpapagawa ng prison cells. Dapat doon nga made-decongest ‘yung ano eh, ‘yung BuCor. Eh, isipin niyo, 95% nasingil na, nakuha na, napera na. Eh 60% lang ang tapos. Walang bubong. Papaano papatirahin ‘yung mga PDL doon? So naantala rin ‘yung ating reform agenda,” lahad ni Catapang.
Sa pahayag naman ng legal counsel ni Bantag na si Rocky Balisong, sasagutin nila sa proper forum ang usapin.
Matatandaang sinuspindi ng Department of Justice (DoJ) si Bantag dahil sa pagkamatay ni Cristito Villamor alyas Jun Villamor, ang “middleman” sa pagpaslang sa veteran journalist na si Percival “Percy Lapid” Mabasa sa Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi.
Namatay si Villamor habang nakakulong sa National Bilibid Prison nitong Oktubre 18 ilang oras matapos lumantad ang self-confessed gunman sa kaso ni Mabasa na si Joel Escorial na nagsasabing inutusan siya ni Villamor na paslangin ang brodkaster.