Advertisers
IBINUNYAG nitong Miyerkoles ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in-charge Gregorio Catapang Jr. na inutusan ni dating bureau deputy security officer Colonel Ricardo Zulueta na sasakin ang isang bilanggo sa Leyte na nabigong makapagbigay ng “quota” sa iligal na pagbebenta ng mga alak at sigarelyo sa bilangguan.
“May PDL naman na pinasasaksak sa Leyte sa dibdib. Mabuti naka-survive. Dati ‘yan sa Bilibid.
Ngayon parang hindi na niya kaya ‘yung quota, nakapag-salita siya ng hindi maganda kay Zulueta, so pinalipat siya sa Leyte.
Nung nandoon naman siya sa Leyte tinira naman siya ng isang PDL doon, pinagsasaksak siya,” sabi ni Catapang sa panayam ng radio station DZBB.
” Ngayon iniimbistigahan na namin ngayon ‘yung PDL na sumaksak at ang aming balita ay ito ay order ni Zulueta dahil parang hindi sila nagka-ige nung sinaksak sa mga utos ni Zulueta, ” dagdag ni Catapang.
Ayon pa kay Catapang, isang retired Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief, ang bilanggo ay dating nakakulong sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City bago ito itinapon sa Leyte Regional Prison sa Southern Leyte dahil sa pagkabigong makapagbigay ng quota sa pinagbentahan ng mga kontrabando tulad ng mga alak at sigarelyo.
Si Zulueta ay isa sa principal suspects sa pagpaslang sa brodkaster na si Percy Lapid. Isinasangkot din siya sa pagpatay sa middleman na si Jun Villamor.