Advertisers
SUGATAN at wala nang buhay nang matagpuan sa cell site ang isang pitong taon gulang na babae na lumabas ng bahay para bumili ng tinapay sa Estancia, Iloilo.
Ayon kay Police Staff Sergeant Dan Gerald Allanic, imbestigador ng Estancia Municipal Police Station, humingi ng pera sa kaniyang ina ang biktima para bumili ng tinapay kasama ang dalawa pa niyang kapatid.
Pagkaraan ng isang oras, bumalik ang dalawa nitong kapatid, pero hindi na nila kasama ang biktima, bagay na ipinagtaka ng kanilang ina.
Agad na hinanap ang biktima, pero makaraan ang ilang oras, nakita ang bata sa ilalim ng isang tower sa isang cell site.
Lumalabas sa imbestigasyon na may mga sugat sa katawan at pasa sa kanang mata ang biktima, na hinihinalang ginamitan ng matigas na bagay. Wala ring suot na short ang bata nang makita.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa insidente.
Sa isang hiwalay na panayam, sinabi ni Allanic na may person of interest nang sinusundan hinggil sa pagkamatay ng bata.
Ayon kay Allanic, madilim, maraming puno, at masikot ang ilalim ng cell site kungsaan natagpuan ang bata.
Ayon naman sa ama ng biktima, umuwi ang kaniyang anak galing sa eskwelahan saka naglaro at naligo kasama ang apat pang kaibigan na kaniyang kaedaran.
Pag-uwi ng bata, humingi ito ng pera sa ina para bumili ng tinapay.
Dagdag ng tatay ng biktima, malapit lang ang kanilang bahay sa pinangyarihan ng krimen.
Isinasagawa na ang autopsy para matukoy kung ginahasa ang biktima.