Advertisers
UMAKYAT na sa 25 katao ang nasawi sa baha sanhi ng pagbuhos ng malalakas na pag-ulan dulot ng “shear line” sa Visayas at Mindanao, ayon sa National Disaster Risk Reduction nd Management Council (NDRRMC).
Sa datos na inilabas ng NDRRMC, 16 ang nasawi sa Northern Mindanao (Region 10), 5 sa Bicol Region (Region 5), at tig-2 sa Eastern Visaya (Region 8) at Zamboanga Peninsula (Region 9).
Karamihan sa mga nasawi ay sanhi ng pagkalunod sa baha at flashflood.
Sa 26 missing, 12 ay mula sa Bicol Region (Region 5), 11 sa Region 8 (Eastern Visaya), 1 sa Zamboanga Pensinula (Region 9), at 8 sa Region 10 (Northern Mindanao).
Umabot naman sa 102, 476 pamilya (393,069 individual) ang apektado sa Mimaropa, Regions 5, 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), 8, 9, 10, 11 (Davao), Caraga, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Habang 20,723 pamilya (81,443 individual) ang nanatili sa mga itinalagang evacuation center.
Nasa 1,196 kabahayan naman ang napinsala, 287 dito ang tuluyang nawasak habang 909 ang nasira na umabot sa kabuuang halaga na P11,740,000 mula sa Region 4 (Mimaropa), Regions 6, 8, 9, 10, 11, Caraga, at BARMM.
Umakyat na sa halagang P63,847,087.2 pinsala sa agrikultura sa Mimaropa, Region 5, Region 8, Region 9, Region 10 at Caraga, habang nagkakahalaga ng P20,870,000 pinsala sa imprastraktura sa Mimaropa, Region 5, Region10 at Caraga.
Samantala, nagsagawa na ng aerial inspection sina NDRRMC Chair at Defense Officer in Charge, Undersecretary Jose Faustino Jr. at NDRRMC executive director Undersecretary Raymund Ferrer sa mga binahang lugar sa Misamis Occidental nitong Martes.
Nakipagpulong din sina Faustino at Ferrer kina Misamis Occidental Gov. Henry Oaminal at mga local official upang alamin ang mga kinakailangan pang mga tulong na mula sa pamahalaan.
Umabot na sa P16 million ang naipamahagi ng NDRRMC tulad ng family food pack, bottled water, shelter kits, hygiene kits, blankets, at financial assistance ang naipagkaloob sa mga apektadong pamilya sa Bicol, Visayas provinces, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Bangsamoro region. (Mark Obleada)