Advertisers
NATANGAY ang perang nagkakahalaga ng P300,000 nang baklasin ng mga magnanakaw ang isang automated teller machine (ATM) sa loob ng isang supermarket sa Sta. Rosa, Laguna.
Ayon sa ulat, nakatakip ang mukha ng mga magnanakaw na hinalughog ang supermaket ng limang oras mula gabi ng December 22 hanggang madaling araw ng December 23.
Sarado ang loob ng supermarket kaya hanggang labas lang ang iniikutan ng mga guwardya ng establishment.
Pwersahan binuksan ng mga magnanakaw ang cash register ngunit wala silang nakuha dahil wala itong laman.
Pinuntirya ng ibang magnanakaw ang ATM sa loob na hindi nakuhanan ng CCTV video habang may nagbubukas ng cash register.
Nilipat ng mga magnanakaw ang pwesto ng ATM upang hindi marinig ng mga guwardya sa labas habang binabaklas nila.
Ayon sa pulis, nasa P300,000 ang natangay sa ATM.
“Binuhat lang nila kasi magaan lang naman iyon, maliit lang yun at hindi naka-vault, yung ATM supposedly dapat naka-vault yun, eh hindi naka-vault. Madali talagang kuhanin at ilipat,” ayon kay Lieutenant Colonel Paul Sabulao, hepe ng Sta. Rosa, Laguna Police Station.
Nakasentro ngayon sa apat na persons of interest ang Sta. Rosa City Police Station, na sila raw ang nakita ng mga guwardya na nagtatanong-tanong sa paligid ilang araw bago mangyari ang insidente.
“Itong tinitignan natin na nagtutugma sa mga witness natin ay mayroon na itong kaso noong 2019, ganun din robbery rin yung kanilang kaso,” ayon kay Sabulao.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis, napag-aralang mabuti ng mga magnanakaw kung papaano isasagawa ang pagnanakaw.
Dumaan ang mga magnanakaw sa likurang bahagi ng supermarket at binutasan ang pader.
“Base doon sa aming backtracking ay hinatid ito doon sa area sa may likod ng bakanteng lote at naglakad lang itong mga ito paisa-isa,” ayon kay Sabulao.