Advertisers

Advertisers

J&T Express nilooban: kahera binaril

0 219

Advertisers

SUGATAN ang isang kahera nang barilin ng isa sa mga holdaper na nanloob sa isang express delivery sa Malabon City.

Kaagad na isinugod sa Manila Central University (MCU) Hospital ang 26-anyos na biktima na nakatalaga sa cash-on-delivery (COD) remittance ng J & T Express nang magtamo ng tama ng bala sa kaliwang braso at kaliwang hita.

Sa ulat sa tanggapan ni Malabon City Police chief, Col. Amante Daro, 8:10 ng gabi nang pasukin ng walong lalaki na pawang armado ng matataas na kalibre ng baril, nakasuot ng vest jacket, bull cap at face mask, ang J&T Express sa 15-A Industry Road1, Barangay Potrero.



Pinadapa ang mga kawani na kinabibilangan ng limang babae at limang lalaki, habang dinis-armahan ang isa sa dalawang security guards.

Hindi nabanggit sa ulat kung bakit binaril ng isa sa mga holdaper ang babaing kawani matapos simulang samsamin ang kanilang mga personal na gamit.

Natangay ng mga holdaper ang hindi pa batid na halaga ng salapi, 7 cellular phones ng mga kawani, ilang personal na gamit tulad ng handbag, assorted ATM at ID cards, isang Boss speaker, at ang .9mm na baril ng guwardiya.

Tumakas ang mga holdaper, sakay ng isang itim na Isuzu MUX (DAE-8422) patungo sa Victoneta St., Brgy. Potrero, na nakita sa close circuit television (CCTV) camera sa lugar.

Nagsagawa kaagad ng follow-up operation ang mga tauhan ng Malabon Police subalit bigo silang makilala at matugis ang mga holdaper.



Patuloy pang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang pulisya at nakikipag-ugnayan narin sa mga barangay at may-ari ng mga establisimientong may nakakabit na CCTV, na maaring makatulong para sa pagkakakilanlan ng mga holdaper.