Advertisers
ANIM katao ang kumpirmadong nasawi sa sunog sa Arlique St., Quiapo, Manila nitong Huwebes ng madaling araw, December 29.
Kinilala ang mga nasawi na sina Cheska Celine, Cheska Camille Perito, Jofae Mae Porio, Rol Daniel Cauyetano, Ronan Cyrus Cayetano at isa pa nilang kapitbahay.
Sa report, mahigit 500 pamilya ang naapektuhan at nawalan ng tirahan nang matupok ang kanilang mga bahay.
Ayon sa ilang residente, nakarinig sila ng malakas na pagsabog at lumabas ang makapal na usok kaya dali-dali silang lumabas sa kanilang bahay upang isalba ang sarili.
Karamihan sa nawalan ng tirahan ay wala rin naisalbang kagamitan.
Sa ngayon, pansamantalang nanunuluyan sa covered court ng kabilang barangay ang mga nasunugan, habang hinihintay ang tulong mula sa lokal na pamahalaan at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ang mga labi ng mga biktima na na-trap sa sunog ay dadalhin sa Sanctuary Funeral Homes.
Pasado alas dos ng madaling araw nang magsimula ang sunog at naapula 8:00 ng umaga. (Jocelyn Domenden)