Advertisers
UMABOT sa 105,350 ang mga deboto na dumagsa sa Quirino Grandstand sa Luneta, Manila para sa pagpupugay sa Poong Itim na Nazareno.
Base ito sa latest crowd estimate na ibinahagi ng pamunuan ng Quiapo Church mula nang magsimula ang aktibidad nitong Sabado.
Sa Quiapo Church palang ay nasa kabuuang 66,500 ang nagtungo sa Simbahan upang makiisa at dumalo sa mga banal na misa na idinaraos.
Ayon sa Simbahan, mula sa nabanggit na mga oras, 20,900 indibidwal o mga deboto ang dumating sa Minor Basilica, habang 2,400 sa Quirino Grandstand.
Nitong Linggo ng madaling araw isinagawa ang Walk of Faith mula sa Grandstand patungong Simbahan ng Quiapo na nagsimula ng 1:30 ng madaling-araw at natapos ng dalawa at kalahating oras.
Sa prusisyon, walang nakitang andas o imahe ng Poon kundi mga kandila lamang at maliliit na replica ng imahe dahil mahigpit na itong ipinagbawal ng pamunuan ng Simbahan upang maiwasan nang dumugin ng mga deboto, maging maayos at ligtas ang aktibidad sa gitna ng Covid-19 pandemic.
Sa paligid ng Quiapo, makikita ang mga vendor na nagtitinda ng religious items at maliliit na replica ng Nazareno.(Jocelyn Domenden)