Advertisers
ISANG panukalang batas ang isinusulong sa Kamara de Representantes upang epektibong mapalakas at paganahin ang mga opisyal ng barangay sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa kanilang nasasakupang lugar.
Ayon kay Bataan 1st district Rep. Geraldine Roman, layunin ng House Bill 228, “The Magna Carta for Barangays” na tukuyin ang tiyak na pangunahing serbisyo at mga pribilehiyo nararapat sa barangay at mga residente nito.
“Hindi dapat balewalain ang mahalagang tungkulin ng mga opisyal ng barangay bilang isang political unit,” pahayag ni Roman, chairperson ng House committee on women and gender equality.
“Kailangang palakasin natin ang barangay upang maging matatag sila sa kanilang pamumuno at upang epektibong matugunan ang mga pangunahing serbisyo kagaya ng pasilidad sa ligtas at maiinom na tubig, health centers, educational centers at schools, barangay halls, at mayroong nakahandang masasakyan sa lugar upang maitaguyod ang kapakanan ng mga residente sa barangay,” dagdag pa ni Roman.
Sa klase ng kanilang trabaho, sinabi ng mambabatas palaging nasa panganib ang kaligtasan at seguridad ng Barangay officials. Isa na rito aniya ang pagsugpo laban sa droga. Ang Barangay officials din aniya ang mas naka-aalam ng aktuwal na listahan ng mga posibleng drug peddlers at users sa kanilang komunidad.
“Ang opisyal ng barangay ang mas unang pinupuntahan sakaling mayroong reklamo laban doon sa mga sangkot sa droga bago makarating ang reklamo sa pulisya. Ang barangay ang unang nakatatanggap ng mga report sa krimen naganap o nagaganap,” pahayag ni Roman.
Binigyang-diin ni Roman ang malungkot na nararanasan ng mga Barangay officials sa kabila ng serbisyo na kanilang ibinibigay kaakibat ang panganib sa kanyang sarili at pamilya. Hindi sapat ang mga benepisyo na kasalukuyang tinatanggap nila mula sa gobyerno.
Pantay na pagkakataon ang isinusulong ni Roman para sa lahat ng Filipino. Para sa kanya, ang pagkapantay-pantay sa pagtrato ng mga indibiduwal na walang hadlang, maling pananaw, kagustuhan, maliban ito’y may pagkakaiba at malinaw na makatwiran. Matatag na naninindigan at bukas ang mambabatas sa pagsulong ng pagkakataon para sa lahat ng Filipino na walang kinikilingan sa kayamanan, katayuan o pagiging miyembro ng isang ma-impluwensiyang grupo.