Advertisers
ANG matataas na heneral na nagsilbi sa nakaraang administrasyon ay balik-puwesto uli sa kasalukuyang pamahalaan ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr..
Matapos kunin ang serbisyo ni dating Presidential Adviser on the Peace Process ng Duterte administration na si Carlito Galvez Jr., isang retiradong Army General, para Defense Secretary; kinuha rin nito ang dating Interior Secretary ni ex-Pres. Duterte na si Eduardo Año bilang National Security Adviser (NSA), kapalit ng Professor Clarita Carlos nitong Sabado.
Sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) na si Carlos ay nagdesisyon na ipagpatuloy “her pursuit of scholastic endeavors” at maging bahagi ng Congressional Policy and Budget Research Department ng House of Representatives.
Naglabas din ang PCO ng statement sa pagbibitiw ni Carlos.
“I have realized that it is no longer politic to continue as NSA to the President and so, I have decided to migrate to another agency where my expertise on foreign, defense, and security policy will be of use and I shall continue to help build a Better Philippines,” sabi ng retired University of the Philippines (UP) political science professor.
Sa pagpasok ni Año sa Marcos government, napalitan ng pangulo ang kanyang defense at military chiefs, at NSA — ang key officials ng defense at security establishment ng bansa — lahat sa loob ng isang linggo.
Una nang ibinalik ni Pangulong Marcos si Lt. General Andres Centino bilang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines, ipinalit kay Lt. Gen. Bartolome Bacarro, ang kanyang unang AFP chief.
Si Centino, 55, ay unang itinalaga na AFP chief ni dating President Rodrigo Duterte noong November 12, 2021, nanungkulan hanggang August 8, 2022, nang alisin siya ni Pres. Mr. Marcos.
Nitong Enero 9, 2023, itinalaga ni Pres. Marcos si Carlito Galvez Jr., dating chief of staff tulad ni Año, bilang bagong defense secretary, pagkatapos na magbitiw ni Gen. Jose Faustino, Jr. dahil sa ‘di malinaw na dahilan.
Sinabi lang ni Faustino na hindi siya sinabihan tungkol sa reappointment ni Centino at pagretiro ni Bacarro.
Sinabi naman ni Carlos sa isang television interview na siya’y “confused” at hindi sinabihan bago ibalik si Centino para AFP chief.
Si Galvez, 60, ay nagsilbing AFP Chief ni Duterte mula Abril hanggang Disyembre 2018 at itinalagang presidential adviser on the peace process pagka-retiro niya sa militar.
Si Galvez ay naging puno rin ng National Task Force Against COVID-19 at pinamunuan ang national vaccination program hanggang sa pumasok ang Marcos administration.
Si Año, 61, ay naging undersecretary ng Department of the Interior and Local Government pagkaretiro sa militar noong 2017. Tapos naging secretary siya noong November 2018 hanggang sa matapos ang termino ni Duterte noong Hunyo 31, 2022.