Mayor Honey, Asenso Manileño, nakipagkita kay VP Sara at dating PGMA
Advertisers
NAKIPAGKITA si Manila Mayor Honey Lacuna pati na ang mga miyembro ng Asenso Manileño na siyang dominanteng lokal na partido sa Maynila kay Vice President Sara Duterte at dating Pangulo na ngayon ay Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo kamakailan.
Ang pagsama-sama ay naganap sa pamamagitan ng informal dinner na ginawa sa isang pribadong lugar at dinaluhan ng highest-ranking officials ng Maynila kung saan mismong si Arroyo ang nagsilbing host.
Maliban kay Lacuna, naroon din si Vice Mayor Yul Servo-Nieto, Congressman Ernix Dionisio (first district), Congressman Rolan “CRV” Valeriano (2nd district), third Dist. Congressman Joel Chua, Cong. Irwin Teng (5th) at sixth District Congressman Benny Abante.
Sinabi ni Lacuna na walang halong pulitika ang naganap na pagtitipon at ito ay isang purong ‘social meeting’ lamang.
Nabatid na ang nasabing meeting ay inayos ng parehong kaibigan ng dalawang kampo.
Bago ito, si Lacuna at ang kanyang team ay nakipagharap din kay President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. Sa Malacanang Palace para sa isang courtesy visit.
Sa nasabing paghaharap ay sinabi ng Pangulo kay Lacuba na isa rin siyang constituent ng Maynila dahil ang kanyang tanggapan ay nasasakupan ng kabisera ng bansa.
Ang pagbisita sa Palasyo ay ang tugon ng Maynila sa panawagang magkaisa sa bahagi ng BBM-Sara administration. (ANDI GARCIA)