Advertisers

Advertisers

‘PAGBABALIK NG LAWIN’

0 313

Advertisers

MULING bumabalik ang inyong lingkod sa pamamahayag. Pansamantala akong namahinga sa aktibong pagsusulat dahil sa aking karamdaman na idinadaing ng aking katawan. Minabuti ko ang magbakasyon sa Romblon, ang lalawigan kung saan ako ipinanganak at lumaki. Dahil sa sariwang hangin at pagkain, muling lumakas ang aking katawan. Nagbalik na ako sa Maynila upang maghanapbuhay at tuparin ang ilang gawain.

Bumalik ang inyong lingkod bilang convenor, o tagapagtaguyod, ng “Saturday Media Forum” na ginaganap tuwing Sabado sa Dapo Restaurant sa kalye Scout Borromeo kanto ng Madre Ignacia Avenue sa Kyusi. Tampok ang mga newsmaker, o ang mga taong gumagawa ng balita mula sa sektor ng gobyerno, negosyo, palakasan, at iba’t ibang larangan.

Dahil isang kalabit lang ay nasa tabi ang inyong lingkod sa mga gumagawa ng balita, minarapat ko na muling ituloy ang aking regular na kolum. Wala akong balak na gawing lagalag ang aking kolum kaya nananatili ako sa pahayagan na ito. Nakakaunawa ang mga editor, o patnugot, kung ano ang malayang pamamahayag.



Maraming nangyari sa nakalipas na ilang buwan na hindi ako aktibo sa pagsusulat. Isang umaga, nagulat na ako na ilang dating kasapi sa Gabinete ni Pangulong Bongbong Marcos ang biglang nawala sa eksena. Namangha ako dahil pawang nawala sina Vic Rodriguez, Trixie Angeles, Erwin Tulfo, Clarita Carlos, at Jose Faustino Jr.

Nagretiro si Gen. Bartolome Vicente Bacarro bilang chief of staff ng Sandatahang Lakas ng Filipinas, o AFP, at ibinalik si Lt. Gen. Andres Centino Jr. sa kanyang puwesto. Itinalaga si Carlito Galvez Jr. na kapalit ni Faustino bilang kalihim ng Tanggulang Bansa. Bumalik si Eduardo Ano sa Gabinet kapalit ni Clarita Carlos.

Hindi kami nagtaka na ibinalik ang mga retiradong heneral sa Gabinete. Kilala ang mga dating opisyales ng AFP sa kanilang katapatan sa trabaho at pagiging “mission oriented.” Wala pang itinalaga na kalihim sa pananakahan at kalusugan. May mga humugong na ilang pangalan, ngunit walang katiyakan kung itatalaga sila ng Pangulo.

Kasama sa mga bagong itinalaga ay si Atty. Cheloy Velicaria Garafil bilang Press Secretary. Nagkakaroon ng katatagan ang Presidential Communications Office (PCO) sa pagkakaroon ng bagong kalihim. Taglay ni Secretary Cheloy ang mga katangian ng tunay na mamamahayag upang ibigay ang mga balita hinggil sa Office of the President.

Walang balak si Kalihim Cheloy na bigyan ng buhay ang mga blogger tulad na binabalak ni Trixie Angeles noong siya ang nasa poder. May integridad si Secretary Cheloy at taglay niya ang katapatan at dedikasyon sa gawain. Marami pang mangyayari sa mga susunod na buwan. Ngunit sinisiguro namin na maraming ulat ang aming maisusulat at ibibigay.



Hindi nalalayo sa isang pelikula ni Fernando Poe Jr. ang aming pagbabalik sa pamamahayag. Palaging resbak ang tema ng pelikula ni Da King at minsan ipinalabas ang pelikulang “Ang Pagbabalik ng Lawin.” Resbak din ang aking gagawin.

***

HINDI namin alam kung ano ang gusto ni Senador JV Ejercito. Kung hindi nakikipag-away sa kapatid na Senador Jinggoy Estrada, kung ano-ano ang pinagsasabi para magkaroon ng libreng publisidad at tumingkad ang pangalan sa madla. Ihalintulad natin ang pahayag niya noong nakaraang linggo na lumabas sa social media. Ayon sa kanyang limitadong pananaw, nahuhuli umano ang transportasyon ng Filipinas ng 35 taon kung ihahambing sa mga ibang bansa lalo na ang mga mauunlad. Hindi malaman kung ano ang kaniyang basehan.

Sabi niya lang iyan. Hindi niya pinag-aralan kung bakit nahuli tayo. Mayroon siyang konklusyon ngunit wala siyang mga detalye sa kanyang giit. Mukhang hindi niya alam ang mga ipinatayong imprastraktura ni Pnoy noong siya ang presidente. O natutulog lang siya sa pansitan. Hindi niya alam ang Skyway na noong ipinatayo ay nagdulot ng matinding trapiko sa mga motorista na totoong ikinagalit ng sambayan.

Wala rin panukalang solusyon si JV sa pagkahuli umano ng transportasyon ng bansa. Hanggang daldal lang siya. Wala siyang panukalang batas upang umunlad ang transportasyon sa bansa. Wala siyang malinaw na agenda para sa transportasyon. Hindi niya sinabi kung ano ang mga dapat gawin ng Kongreso at Ehekutibo. Hindi pwede ang puro salita lang.

***

KAHIT si Sen. Raffy Tulfo ay nagalit sa mga opisyal ng Department of Agricultrura at Bureau of Customs sa kanilang pagharang at pagkuwestiyon sa mga crew ng Philippine Air Lines na nag-uwi ng 40 kilo ng sibuyas mula sa ibang bansa. “Hinuhuli ninyo itong airline crew at hinarang ninyo dahil may pampasalubong. Bakit iyong mga big time smuggler hindi ninyo pinaghuhuli, pinagkukulong? Eh, itong small-time crew pinanghaharang ninyo pa. Ano bang nangyayari sa inyo?” ani Raffy sa galit sa mga opisyales na walang kinaya kundi ang mga maliit.

Hindi pa nawawala ang taray at tapang ni Raffy. Correction: Hindi lang away ng mga mag jowa ang hinaharap ni . Pati ang katamaran at kagaguhan ng kung sinong Pilato diyan sa gobyerno. Mabuhay ka, Raffy!

***

SINABI ni Rommel Calingasan, municipal agriculturist ng siyudad ng San Jose sa Occidental Mindoro na binibili ng mga mangangalakal ang kanilang sibuyas sa halagang P8-15 isang kilo, pero laking gulat niya na malaman niyang ibinebenta ang mga ito sa halagang P600 sa Metro Manila. Malinaw na may kartel na may kumokontrol sa presyo ng sibuyas sa bansa. Ano ang ginagawa ng mga opisyales ng DA sa krisis sa sibuyas?

***

MGA SALITANG DAPAT TANDAAN: “A good democratic warrior waits while he fights and fights while he waits.” – PL, netizen, kritiko

“As an institution, not just the minority, the Senate should call out the supposed ‘soft launch’ of a fund that is not authorized by law; otherwise it reinforces the image that it is just a rubber stamp.” – Ted Te, manananggol, netizen, kritiko

“Taxing the super-rich and big corporations is the door out of today’s overlapping crises. It’s time we demolish the convenient myth that tax cuts for the richest result in their wealth somehow ‘trickling down’ to everyone else.” – Joel Geronimo

***

Email:bootsfra@yahoo.com