Advertisers
DUMADAING na si Mang Juan sa araw-araw na gastusin na ‘di malaman kung bakit nangyayari gayung ang pangakong nabangit ng mga tumatakbo’t nanalo sa nakaraang halalan ang mababang presyo at abot kayang bilihin. Hindi mawala sa isip ang pangakong pagbaba ng halaga ng bigas na taliwas sa kasalukuyang nangyayari. Ang masakit patuloy na nagmahal ang halos lahat ng bilihin habang ang natitirang mura’y P…I na hindi makain. Sa kaganapang ito tila nasisiyahan ang puno ng bansa na si Boy Pektus sa opisyal-pasyal na ginagawa sa ngalan ng mga imbitasyon ng iba’t ibang lider ng mga bansa. Pangwalo na ang junket sa bansa na pinaglagakan ng itinakbong yaman ng amang pinatalsik ng taong bayan. Habang nagtataasan ang halaga ng bilihin, patuloy na lumalaki ang gastos ng bayan sa mga viajeng hindi nakikita ang pakinabang. Isa pa, ang viajeng mga nabangit ay tuwirang gastos galing sa lukbutan ng mamamayang Pilipino.
Sa pagtaya ng mga gastos sa viaje ni Boy Pektus at ng mga kasama nito, tila ang bansa ng Swiss ang maraming sumabit sa opisyal-pasyal na napuna ng maraming netizen. Nariyan ang bilang na mahigit 70 katao na hindi malinaw kung ano ang magiging ambag sa nasabing pagbisita. Sa nasabing opisyal-pasyal, hindi bababa ang gastos ng bawat delegado sa P100K para sa 7 araw na hotel accommodation ‘di kasama ang pamasahe at pagkain. Hindi maalis sa mga netizen na mag-isip kung gaano kalaki ang iuuwing salapi mula sa 4 na Swiss account na pinaglagakan ng salaping nadugas sa bansa ng dating yumaong pangulo. At nagtatanong ang marami, ang pitumpong kasama sa junket ba ang magdadala ng salaping nagpapababa ng presyo ng sibuyas. O’ nagbabalat sibuyas na maggagalit galitan ng ‘di maungkat ang gastos ng bayan.
Sa totoo lang, ‘di malinaw kay Mang Juan kung ano ang makukuha ng bansa sa pagdalo sa World Economic Forum, samantalang maraming bansa sa mundo ang hindi tumuloy upang matutukan ang usaping local sa kani-kanilang bansa. Pangalawa, nariyan ang pagsusumikap ng mga puno ng bansa ang malagpasan ang usapin ng pandemya na muling umiigting. Ang maganda nito’y mas tinatanawan ang personal na pakinabang ni Boy Pektus sa viajeng nabangit tulad ng pakikipag-usap sa mga Financial Institution na pinaglagakan ng salapi na dapat kay Mang Juan. Hindi inaalis ang makipag-usap si BP sa mga negosyante lalo’t sa kapakinabangan ng bayan. Ngunit sa totoo pa rin, sa mga paglalakbay na ginawa, wala kahit isang negosyante ang makikita na nagtayo o naglagak ng puhunan sa bansa. Nariyan ang pangako, pero nahan ang sinasabing negosyo na lilikha ng trabaho at magpapalakas ng ekonomiya ng bansa, wala, nganga.
Sa estilo ni Boy Pektus na madalas ang opisyal-pasyal saan mang panig ng daigdig, tila kagawian ito na ‘di maalis dahil sa nakaraang sarap buhay na natamo sa magulang na mapagmahal sa sarili, pamilya ngunit ‘di ang bayan. Walang pakundangan sa paggamit sa pera ng bayan gayung hirap na ang mga Pinoy sa buhay higit sa gastusin sa araw-araw. Kay Mang Juan, malinaw na hindi ibig ni Boy Pektus na ipasa ang timon ng kasaganahan lalo’t hindi na gagalaw ang lukbutang minana. At ang mga opisyal-pasyal na ginagawa na nagpapasaya dito, sa pamilya at maging sa kaibigan. Pero umasa si Mang Juan na walang aamin na galing sa bayan ang gastos lalo’t kung ang gagamiting salapi’y mula sa P4.5B na intelligence fund, na ‘di na kailangan ng paliwanag kung paano ginasta o ginamit. Habang sa mga opisyal ng mga kagawaran, tiyak na galing ang pangtustos sa pondo ng kani-kanilang opisina na galing sa buwis ni Mang Juan.
Sa mga huling viajeng ginawa ni Boy Pektus, mula Tsina hanggang sa Switzerland may isang nakaka puwing na personalidad na tila ang alas na bitbit ng nangangapang lider ng bansa. Sa kagalingan ng alas na tangan lalo sa usapin ng ekonomiya ‘di matatawaran na maayos ang naipapakita ni BP sa mga pagpupulong. At sa totoo lang, ang dating lider ang may bitbit ng mga alagad na may kaalaman sa ekonomiya. Ngunit at bakit ‘di nito napaangat ang kabuhayan ng mamamayan, sa anong dahilan? Mang Juan ikaw na ang sumagot sa nasabing katanungan. Sa puntong ito, masasabing mababaw ang upuan na gamit ni Boy Pektus na ‘di makapaglagay ng sariling mga tao na tuwirang titimon sa bansa. Ang ‘di nito pagpasok sa mga lokal na Pamantasan ang nakitang kahinaan. Ang masakit pa nito, may katandaan na ang mga dating tao ng ama ‘di na kaya ang marubdob na gawain sa pamahalaan.
Sa totoo pa rin, sa ginawang pag-alog ng Inferior Dabaw Group (IDG) sa liderato ng DND at AFP, isang malinaw na dahilan ito upang ‘di na sana tumuloy si Boy Pektus sa paglalakbay tungo sa WEF sa Swiss. Ang pagpapatatag ng hawak na liderato ang dapat inuna sa halip na mag opisyal pasyal na ‘di batid ang positibong resulta. O’ babalik na sa unang pahayag na pansarili ang opisyal-pasyal na ginawa. O’ sadyang umaasa ito sa katapatan ng anak ni Totoy Kulambo na ‘di ito papatol sa ano mang upat na gagawin upang pamunuan ang pamahalaan. O’ umaasa ang anak ni TK sa ilang hula na ‘di magtatagal na mapapasa kamay nito ang liderato sa kaganapan na maaaring may mangyari sa nakatira sa puno ng Balite ng Malacanan.
Tunay na mahiwaga ang mga kaganapan sa itaas ng politika ng lipunan. Ang mga gumaganap dito’y tuwirang masasabing puro pansarili ang layon at ‘di alintana kung ano ang nagaganap sa ibaba. Walang pagsasa alang-alang sa sinasapit ng bayan lalo sa pangkabuhayan. Hindi na mapag-abot ni Aling Marya ang sahod ng asawa sa mahal ng bilihin na tuwirang nagpapatanda dito lalo kung walang makain. Hindi alintana ng mga lider ng bansa kung paano maiibsan ang hirap na dinaranas nina Mang Juan, Aling Marya at balana habang sila’y patuloy na nagtatamasa ng ginhawa sa buhay. Bahala na si Aling Marya,Mang Juan at ang balana sa kahirapan ng buhay dahil nakamit ang pwestong asam. Tunay na walang puwang sa puso ng mga nanunungkulan ang sitwasyon ng mamamayan hangga’t ‘di sila ang tinatamaan. Kasehodang magpalit ng liderato ang pamahalaan basta’t una ang sarili bago ang bayan.
Sa huli, totoong manhid ang liderato ng bayan sa kalagayan ng mamamayan. Walang problemang pag-usapan dahil maalwan ang kinalalagyan lalo ng kabuhayan. Ang talastasan saan man sa pamahalaan ay isa lang bahagi ng demokrasya na nagpapatingkad sa ngalan ng halalan. Sa totoo lang, ang kasalukuyang liderato ng bansa’y manhid sa kalagayan ng bayan. Ang kaplastikan ng mga ito’y hindi maitago higit sa papogi points ng ‘di mawala sa sirkulasyon ng mga usaping bayan. Harinawa, mamaalam na sana kayong lahat…
Maraming Salamat po!!!