Advertisers
SUGATAN ang dalawang kasapi ng Philippine Army nang pagbabarilin ng kasamahang sundalo sa loob mismo ng kanilangdetachment sa Barangay Sinibaran, Sorsogon, Miyerkoles ng gabi.
Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan dahil sa tama ng mga punglo sa katawan sina Sgt. Jomar Aas Mesinas, 27, ng Brgy. 8, Caloocan City, Metro Manila; at Sgt.Pedro Laurente Cañeso lll, 41, ng Brgy.Puri, Pili, Camarines Sur.
Agad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang salarin na si Sgt. Arante Egeña Felipe, 42, ng Brgy. Lanigay, Polangui, Albay.
Sa ulat, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Sgt. Felipe at Sgt.Mesinas dahilan para bumunot ng baril si Felipe at ilang ulit pinutukan ang huli na tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinamaan naman ng ligaw na bala sa kanang bahagi ng binti si Cañeso.
Mabilis na isinugod ng kanilang kasamahan sa Matnog Medicare Hospital ang mga biktima.
Payapang sumuko sa mga pulis si Felipe at ibinigay ang kanyang Glock 17 9mm Pistol na may 12 bala.