Advertisers
Patuloy na isinusulong ang kanyang adbokasiya na mapabuti ang sektor ng kalusugan sa bansa, personal na dumalo si Senator Christopher “Bong” Go sa groundbreaking ng isa pang Super Health Center sa Tangalan, Aklan.
Target ni Go na makapagpatayo pa sa bansa ng mas maraming pasilidad pangkalusugan na pakikinabangan ng mga Pilipino, lalo ng nasa mahinang sektor at pamayanan sa kanayunan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Go na umaasa siya na ang estratehikong inilagay na Super Health Centers ay magbibigay-daan sa mas maraming mahihirap na Pilipino na makakuha ng serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan, lalo sa mga rural na lugar.
Apat na Super Health Center sa Kanlurang Visayas ang nag-groundbreaking sa parehong araw at si Senator Go ang naging panauhin, kasama ang mga lokal na opisyal.
“Sa pag-iikot ko sa bansa, napansin ko na kakaunti lang talaga ang ating mga health facilities, lalo na sa maliliit at malalayong mga lugar. Minsan po yung iba ay nanganganak na lang sa tricycle dahil sa layo ng ospital,” ani Go.
“Huwag sana natin hayaan na mangyari pa yon. Kaya talagang isinusulong ko ang pagkakaroon ng Super Health Centers. Pinili at inilalagay ito ng DOH sa trategic areas. Pagkatapos nito, ito ay pamamahalaan at i-turn over na sa local government unit,” ayon sa senador.
Si Go ang naging instrumento sa pagsusulong ng budget para sa Tangalan Super Health Center at daan-daang iba pang kahalintulad nito sa buong bansa.
Ipinangako niya ang kanyang patuloy na suporta sa pagtatayo ng mas maraming Super Health Centers matapos niyang matagumpay na naisulong ang sapat na pondo para sa mga ito.
Ang Super Health Centers ay nag-aalok ng mga serbisyong pangkalusugan, kabilang ang database management, out-patient, birthing, isolation, diagnostic (laboratory: x-ray, ultrasound), pharmacy at ambulatory surgical unit.
Ang iba pa ay serbisyo sa mata, tainga, ilong, at lalamunan (EENT), oncology center, physical therapy, rehabilitation center at telemedicine.
Bukod sa Tangalan, magtatayo rin ng mga Super Health Center sa Ibajay, Balete, Batan, Malay, New Washington, Numancia, at Kalibo sa Aklan.
Matapos ang groundbreaking, nagsagawa ng relief operation si Go at ang kanyang team sa Tangalan Sports Complex kung saan namigay sila ng mga pagkain, food packs, masks, at bitamina sa 1,900 magsasaka sa bayan.
Ang ilan ay nakatanggap din ng mga bisikleta, sapatos, computer tablet, at bola para sa basketball at volleyball.
Ang mga kinatawan ng Department of Agriculture, sa pamamagitan ng Rice Farmers Financial Assistance program nito, ay nagpaabot din ng tulong sa mga magsasaka.