Advertisers
IPINASURI sa health center ang 14-anyos na lalaki dahil sa pananakit ng pribadong parte ng katawan at puson nito. Nalaman na naimpeksiyon ang binatilyo at saka umamin na minolestiya siya ng isang bading na person with disability (PWD) sa Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat, umamin ang biktimang itinatago sa pangalang “Ramil” na limang ulit siyang minolestiya.
“Niyaya niya po ako. Tapos po pinakitaan niya po ako ng pera,” ayon sa binatilyo.
Ayon sa ina ng binatilyo, magsasampa sila ng reklamo lalo’t hindi umano maging maayos ang pag-uusap nila ng ina ng suspek.
“Natakot din po ako kasi baka po mamaya kapag binalewala namin kami po ‘yung baliktarin na gumagawa lang kami ng kuwento. Bakit kami gagawa po ako ng kuwento, eh kahihiyan na po ‘yan ng anak ko. Kalat na kalat na po sa buong baryo,” saad ng ina ng binatilyo.
Pero sabi ng ina ng suspek, walang katotohanan ang ipinaratang sa kaniyang anak. Gayunman, nais daw niyang makipag-ayos sa ina ng biktima.
Ayon sa lider ng barangay, humingi sa kanila ng payo ang ina ng biktima.
Samantala, kinumpirma rin ng pulisya na na-report na ang insidente sa kanilang himpilan at kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon.