Advertisers
PANIBAGONG grupo na naman ng mga dating kasapi ng New Peoples Army(NPA) o terorista ang nagkaroon ng panibagong ‘liwanag’ matapos na alisin ang katapatan sa kanilang kilusan at magbalik-loob na lamang sa pamahalaan.
Sa isang simpleng seremonya nang ‘withdrawal of allegiance’ ng mga dating kasapi ng CPP-NPA-NDF , sinabi ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief PMGen Jonnel Estomo ito na ang ika-anim na pagkakaton na sumuko ang ilang makakaliwang grupo sa ilalim ng Administrasyon ni Pangulong Ferdinand’ Bongbong’Marcos Jr.
Sa harap ng mga mamamahayag ay ipinakita ng mga surrenderees ang kanilang malayang pagtiwalag sa kilusan sa pamamagitan ng pagpunit ng kanilang ‘bandila’ at pagbaba ng kanilang armas bilang patunay ng kanilang pagtalikod sa organisasyon matapos ang ilang dekadang ‘kalbaryo’ mula sa kabundukan.
Ayon sa salaysay ni ka JR, dating kasapi ng Celso Minguez Command na nakabase sa Bicol Region, nasa edad 14 nang siya ay sumanib sa kilusan kung saan sa murang edad ay pinahawak agad siya ng baril at saka tinuruan,nilason ang kaisipan tungkol sa bulok na sistema ng gobyerno.
Sa loob ng mahabang panahon ay nakaranas siya ng mahirap na pamumuhay sa kabundukan partikular sa pagtatago ng mga kasama sa kilusan sa Mt. Kalumutan na pinaniniwalaang kuta ng mga rebelde.
Sa tulong ng ilang mga dating nakasama sa kilusan na nagbalik-loob na rin sa pamahalaan ay hindi na nagdalawang-isip ang dating rebelde na bawiin nito ang katapatan sa komunistang grupo.
Sa isinagawang presintasyon ng NCRPO na ginanap sa Hinirang Hall, Camp Bagong Diwa, Taguig City ay naging panauhing pandangal si SILG Atty. Benjamin ‘Benjur’ Abalos at iba pang matataas na opisyales ng PNP at AFP.
Umabot na sa mahigit 500 dating rebelde ang nagpakita na nang katapatan sa ating gobyerno. (JOJO SADIWA/Photos by: CESAR MORALES)