Advertisers
SELOS ang isa sa hinihinalang motibo sa pamamaril ng isang pulis sa mag-asawang negosyante na kapitbahay nito sa Butuan city, Lunes ng gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Mary Ann Añasco, 51 anyos; at Charlie Añasco, 45, RCH Trading Petron Agent, mga residente ng Princess 1 Subdivision, Purok-6, Barangay Villa Kananga, Butuan City.
Nadakip ang salarin na kinilalang si Police Staff Master Sergeant Darwin Plaza Nolasco, 46, nakatalaga sa Dinagat Municipal Police Station, Dinagat Island at residente rin ng Princess 1 Subdivision,.
Sa report ng Butuan City Police Station-1, 8:10 ng gabi nang maganap ang krimen sa tapat ng bahay ng mag-asawang Añasco.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na nasa loob ng kanilang Toyota Vios (KGH-38) ang mga biktima nang bigla silang pinagbabaril ni Nolasco. Dead-on-the spot ang mag-asawa.
Sa pagresponde ang mga awtoridad sa lugar, naabutan si Nolasco na bitbit ang baril na ginamit sa krimen. Pinosasan at dinala ito sa himpilan ng pulisya at posibleng maharap sa patung-patong na kaso.
Nagpapatuloy pa ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.