Advertisers
PINAG-IINGAT ang Palasyo ng Malakanyang sa kumakalat na balita na gustong makabalik sa gobyerno ang isang dating mataas na opisyal ng ‘Home Guarantee Corporation’ (HGC) na nakaladkad na sa Ombudsman sa kasong pandarambong sa termino ng yumaong Pangulo “Noynoy” Aquino, at inalis naman sa HGC pagpasok ng administrasyong Duterte.
Ayon sa mga impormante sa industriya, “tinatarget” ngayon ni ex-Rizal 1st district representative at ex-HGC president Manuel Sanchez na maitalaga ni Pangulong Bongbong Marcos bilang presidente ng ‘Philippine Guarantee Corporation’ (Philguarantee) na kasalukuyang hawak ni Alberto Pascual bilang pangulo at chief executive officer (CEO).
Napuwesto si Sanchez sa HGC noong Setyembre 2010, sa termino ni Aquino, matapos namang matalaga bilang ‘undersecretary’ sa DILG at DENR at administrador ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Nahalal namang kongresista ng Rizal si Sanchez noong 1992 matapos ang matagal na pananatili sa Estados Unidos kungsaan nakuwestyon din ang kanyang Filipino citizenship.
Noong 2018, nilusaw ni Pangulong Duterte ang HGC at iba pang GOCCs (government-owned and controlled corporations) na gumagarantiya sa mga utang para sa pabahay, agrikultura at mga maliliit na negosyo (SMEs).
Mula sa pagkakalugi sa ilalim ni Sanchez, iniulat ng Philguarantee na noong 2020 umabot sa P241 bilyon ang hawak nitong mga ari-arian at pondo habang tumaas naman sa higit P1.37 bilyon ang kinita nito noong 2021.
Noong 2014, hawak ang mga ebidensiya at mga ulat ng Commission on Audit (COA), sinampahan ni Atty. Alan Paguia sa Ombudsman ng mga kasong pandarambong (plunder) at katiwalian si Sanchez at ang pinalitan nito sa puwesto na si Gonzalo Bongolan.
Ani Paguia, na pumanaw noong 2015, dapat sisihin sina Sanchez at Bongolan sa pagkalubog noon ng HGC sa dambuhalang utang na mahigit P12.771 bilyon noong 2011 sa termino ni Sanchez mula sa P9.8 bilyon na iniwan ni Bolongan.
Sa mga nakaraang ulat ng media, inireklamo rin si Sanchez ng mga kawani ng HGC sa pagbili ng luxury vehicles sa kabila ng patuloy na pagkalugi ng HGC. Inakusahan din siya ng pagbili, sa murang halaga at para sa kanyang personal na interes, ng mga mamahaling ‘work of arts’ na aabot sa daan-daang milyong piso ang halaga na pawang pag-aari ng HGC katulad ng mga “obra” ni National Artist Jose Joya.
Ang patuloy na pagkalugi ng HGC sa termino ni Sanchez ang isa sa mga dahilan sa desisyon ni Pang. Duterte na lusawin nalang ang HGC at ipailalim ang operasyon nito sa Philguarantee bilang ‘attached agency’ ng Department of Finance (DOF).
Noong isang linggo, lumabas sa isang pahayagan na si Sanchez ang “nag-aabugado” sa isang Chinese company sa Zambales na inakusahan ng iligal na pagmimina sa probinsiya habang ang asawa niyang si Rowena ang sinasabing nasa likod ng palpak na desisyon ng Palasyo na baligtarin ang utos ng DENR noon pang 2021 na nagbabawal sa patuloy na operasyon ng nasabing kumpanya dahil sa mga paglabag sa batas.