Advertisers
PINASISIYASAT ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Department of Agriculture (DA) ang pagtaas ng presyo ng itlog sa merkado.
Sa pulong sa Malakanyang, inatasan ng Pangulo si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban na makipagpulong sa mga egg producers at traders sa bansa.
Nais kasi malaman ng Pangulo kung ano ang rason ng pagsirit ng presyo ng itlog.
Pinasusuri ng Pangulo kung anong hakbang ang maaring magawa ng pamahalaan para mapigilan ang pagtaas ng presyo ng itlog at masiguro na makakayanan pa rin ng bawat pamilyang Filipino ang abot kaya at masustansyang pagkain.
Batay sa ulat ng DA, nasa P9 na ang presyo ng itlog ngayon.
Mas mataas ito kumpara sa P7 na presyo ng itlog noong Disyembre.
Ayon sa DA, dapat ay naglalaro lamang sa P7 hanggang P7.50 ang presyo ng bawat itlog.
Una nang sinabi ng Philippine Egg Board Association na bumaba ang produksyon ng itlog dahilan para tumaas ang presyo sa palengke.
Itinuturong dahilan ng grupo ang mataas na gastos ng mga breeders ng manok.