Advertisers
PINANGALANAN na ng pulisya nitong Miyerkules, Enero 25, ang utak sa pagpatay sa model at negosyante na si Yvonette Plaza noong Disyembre 2022.
Sa isinagawang press conference ng Special Investigation Task Force Plaza sa Davao City, tinukoy ang mastermind sa pagpatay na si Brigadier General Jesus Durante III kasama ang anim iba pang sundalo.
Ang anim na mga kasamang sundalo ni Gen. Durante ay sina Col. Michael Licyayo, SSgt. Gilbert Plaza, Sgt. Delfin Sielsa, Cpl. Erien Catiero, Pvt. Rolly Cabal, Pvt. Romart Longgasid, Noel Javitan at dalawang John Does na sina “Master Sergeant” na escort ni Gen. Durante, at “Junior”.
Sina Cpl. Catiero, Sgt. Sielsa at sibilyang si Javitan ay nagpahayag na ng kanilang ‘extra judicial confessions’.
Ayon kay Region XI Police chief, Brigadier General Benjamin Silo, maituturing na “crime of passion” ang pagpatay kay Plaza.
Sa kasalukuyan, wala pang tugon ang mga pinangalanang sangkot.
Sinabi naman ni Philippine Army chief, Lieutenant General Romeo Brawner Jr., na si Durante, ang dating hepe ng Presidential Security Group (PCG) ni ex-President Rody Duterte, ay inalis muna bilang commander ng 1001st Brigade habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
“The Philippine Army will not condone any criminal act committed by its personnel,” wika ni Brawner. “As such, BGen Jesus Durante has been relieved as Commander of the 1001st Brigade, after being named as a person of interest in the murder of Yvonnette Chua Plaza, to give way to an impartial and thorough investigation.”
Nauna nang itinanggi ni Durante ang kaugnayan sa pagpatay kay Plaza at sinabing nadamay lamang ang pangalan niya dahil sa Facebook post na ginawa ni Plaza noong Abril 2022.
Noong Disyembre 28, 2022, natagpuan ang bangkay ni Plaza sa labas mismo ng kanyang bahay.
Sa screenshot naman sa kuha ng CCTV, makikita na pinaputukan ng isa sa mga gunmen ang biktima bago sumakay sa getaway motorcycle kasama ang drayber.