Advertisers
INATASAN mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang National Economic Development Authority (NEDA) na magsagawa ng pagsisiyasat sa hindi maipaliwanag na pagtaas sa presyo ng sibuyas.
Ito ang tugon ni NEDA Director Nieva Natural nang tanungin ni Marikina Representative Stella Quimbo kung ano ang ginagawang hakbang ng mga ekonomista ng pamahalaan para bigyan linaw ang pagsipa sa retail price ng sibuyas.
Ayon kay Natural, may instruction na si PBBM kay NEDA Sec. Arsenio Balisacan na magsagawa ng pagsisiyasat sa sitwasyon.
Katunayan, aniya, mayroon nang binuo noon na Anticipatory Policy Analysis Team ang NEDA na nag-imbestiga rin sa mataas na presyo ng baboy at manok.
“May instruction pong natanggap si Sec. Balisacan from the president na tingnan nga po ito aside doon sa ibang commodities.. Nagsimula tayo sa pork tapos yung chicken. So yung NEDA po initially from the start po na nagkaroon ng issue sa pork, nag-create po siya ng anticipatory policy analysis team inter-staffed po ito within NEDA to look into the situation and provide information to the secretary in advance kung ano po yung mga nangyayari,” pagbabahagi ni Natural.
Pag-amin pa ng opisyal, sila mismo ay ‘puzzled’ sa napakataas na presyo ng sibuyas gayong maliit lamang ang gap o kakulangan ng suplay mula sa demand.
Mayroon din aniyang impormasyon na ibinenta ng mga onion farmer ang kanilang aning sibuyas sa halagang P10 na farmgate price kaya’t malabo na umabot ng hanggang P600 ang retail price nito.