Advertisers
UMABOT na sa 44 katao ang napaulat na nasawi sa masamang panahon sa iba’t ibang bahagi ng bansa simula nang magsimula ang taon.
Sa 6:00am report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na may 14 katao ang napaulat na namatay sa Bicol, 12 sa Zamboanga, 8 sa Northern Mindanao, 7 sa Eastern Visayas, at tig-isa sa Mimaropa, Davao at Soccsksargen.
“Only 20 of the reported fatalities have been confirmed so far,” ayon sa NDRRMC.
Samantala, may 8 katao ang napaulat na nawawala at 11 ang nasaktan sa matinding epekto ng masamang panahon, bunsod ng low pressure areas, shear line, at northeast monsoon.
Sinabi ng NDRRMC, may 2,047,222 katao o 497,774 pamilya ang apektado ng masamang panahon sa Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga, Northern Mindanao, Davao, Soccsksargen, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa apektadong populasyon, may 7,189 katao o 1,741 pamilya ang nananatili sa 74 evacuation centers.
May kabuuang 1,888 bahay ang napaulat na napinsala kungsaan may 1,325 partially damage habang 563 ang totally damage.
Ang pinsala naman sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P1,059,352,780 habang sa imprastraktura ay umabot sa P521,914,324.
Ang halaga naman ng pinsala sa National Irrigation Administration ay umabot sa P25,939,969.
Ang state of calamity ay idineklara sa 86 lungsod at munisipalidad.
Ang halaga ng tulong na naibigay sa mga biktima ay umabot na sa P114,473,053, ayon sa NDRRMC.