Advertisers
Tumanggap ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan, sa pangunguna ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ng award ng Department of the Interior and Local Government (DILG) Regional Anti-Drug Abuse Council na ‘Glass Marker’ para sa mahusay na pagganap nito sa paglaban sa ilegal na droga gayundin ang nito lokal na pagsisikap sa rehabilitasyon noong Martes, Enero 31 sa Luxent Hotel, Quezon City.
Ayon sa DILG, ang nasabing parangal kumikilala sa mga top-performing local government units (LGUs) para sa kanilang makabuluhang aktibidad at inobasyon sa mga anti-drug abuse programs. Kinilala ang Caloocan kasama ng tatlo pang LGU sa 17 sa National Capital Region.
Nagbigay din ang DILG ng P7,000,000 na grant bilang bahagi ng Seal of Good Local Governance Fund Subsidy sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan.
Nagpahayag ng papuri si Mayor Along sa Caloocan City Anti-Drug Abuse Office (CADAO) at nagpasalamat din sa DILG sa pagkilala.
“Binabati ko po kayo sa hindi mapapantayang dedikasyon na tulungang puksain ang ilegal na droga sa ating mga komunidad at isailalim sa community-based treatment at rehabilitasyon ang mga naging biktima nito,” wika ni Malapitan.
“Nagpapasalamat din po tayo sa DILG sa pagkilala sa ating mga programa at mataas na pagkilala sa iginawad nila sa atin sa larangan ng pakikipaglaban upang pigilan ang paglaganap ng ilegal na droga at suportang pinansyal upang ituloy ang mga programa natin sa Caloocan,” dagdag ni Mayor Along .
Bukod dito, binigyang-diin ng CADAO Officer-in-charge na si G. Sonny Amoyo ang pagsisikap ng lokal na konseho ng lungsod sa community-based na paggamot bilang isa sa mga pangunahing dahilan para sa nasabing pagkilala.
“Ipinagmamalaki po natin na mayroon tayong mas pinalawig na community-based outpatient treatment na katuwang ang bawat Barangay pati na rin ang Simbahan para sa paggabay sa ating mga tinatawag na ‘clients’ na nais magbagong-buhay,” wika ni OIC Amoyo.
Inatasan din ng lokal na punong ehekutibo ang CADAO na higit pang pagbutihin ang mga serbisyo nito tungo sa isang komunidad na walang droga, na nakatuon sa pagtulong sa mga mamamayan na makabangon at maibalik bilang mahalagang miyembro ng lipunan.
“Pag-igihan niyo pa ang inyong mga programa kontra ilegal na droga, pagsikapan natin na sama-samang wakasan ito at tulungang magbagong-buhay ang ating mga kababayan na nalulong sa masamang bisyo,” pahayag pa ni Mayor Along.