Advertisers
MAARING hindi alam ni Rizal Governor Nina Ricci Ynarez ang talamak at lantaran nang operasyon ng mga iligal na sugal sa lalawigan, nakasisira sa kanyang mabunying pangalan.
Ayon sa grupo ng mga vice crusader sa Region 4A, ang pergalan (perya-sugalan) ay talamak ang operasyon sa siyudad ng Antipolo at lahat na munisipalidad ng Rizal. Lantaran ang operasyon ng color games, beto-beto, skylab, drop balls, cara y cruz, hi-low, pula-puti, sakla at kung anu-ano pang uri ng iligal at madadayang sugal.
Ang nasabing mga pergalan ay nakatayo sa matataong lugar, ilan dito ay malapit pa sa simbahan.
Sadyang inilalantad ang lugar ng pergalan dahil estratihiya ito ng mga enterprising financier para makapang-engganyo ng kliyente o kostumer upang tangkilikin ang kanilang entertainment tulad ng rides at mga ibenebentang iba’t ibang bagay o produkto.
Nguni’t ang mga ride at tiangge sales kuno dito sa pergalan ay front lang ng operators. Ang katotohanan: mga mini casino ang mga ito na nagbibihis peryahan dahil sa color games at iba’t ibang uri ng card at table games na siyang dinudumog ng mga tao, lalo na yaong mga lulong na sa sugal na dumadayo pa mula sa ilang kalapit na probinsya.
Hindi rin maitatanggi ng mga awtoridad, tulad ng National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine National Police (PNP), partikular ng Criminal Investgation and Detection Group (CIDG) na ang pergalan ay “strategical place” rin ng shabu trafficking. Dito tumatambay ang mga tulak at bangag sa droga at mga magnanakaw.
Ang malaking “lagay” ng mga pergalan owner na umaabot ng milyones marahil ay dahilan kaya hindi kumikilos ang pulisya at gobernador, mga mayor at mga kapitan ng barangay kahit na ang pergalan ay nagkalat sa kani-kanilang mga lugar.
Sinabi ng mga vice crusader na kaduda-duda ang pananahimik ni Gov. Ynarez sa pergalan operation sa kanyang lalawigan kahit na mga nakaunipormeng estudyante ang mga nasusugal ng color games at iba pang pasugal.
Ayon pa sa mga vice crusader, ang kanilang hinaing ay ipinaabot na sa kaalaman nina BGen. Jose Melencio Nartatez Jr., at Rizal PNP Provincial Dominic Baccay pero walang nangyaring aksyon.
Ang mga kilalang operators ng pergalan sa Rizal ay sina “Dodie” na umano’y kapanalig ng alkalde ng naturang bayan, “Mang Bert”, alyas “Tomboy”, “Jess”, at “Jonnel”.
Binatikos din ng grupo ang kapabayaan nina Batangas Provincial Director, Colonel Pedro Soliba; Batangas Provincial CIDG Chief, Major Jet Sayno; at hepe ng Padre Garcia Police na si Major El Cid Villanueva sa lantarang 24/7 na operasyon ng mala-casino na pasugal nina “Tisoy” at “Nonit” na matagal nang namamayagpag sa illegal gambling. (CRIS IBON)