Advertisers
NASAKOTE ng Caloocan PNP ang ilang paketeng naglalaman ng mataas na uri ng marijuana o “kush” nang matuklasang kontrabando ang laman nito na ipinadala sa isang courier service sa Caloocan City.
Sinabi ni Caloocan Police Chief P/Col. Ruben Lacuesta, kilala na nila ang nagpadala at tatanggap sana ng tatlong pakete ng may pitong bungkos ng plastic sachet na naglalaman ng 700 gramo ng high grade marijuana na nagkakahalaga ng P84,000, isang naka-tape na plastic sache na may lamang 50 gramo ng Kush na nagkakahalaga ng P70,000 at 16 na vials ng marijuana oil na may halagang P112,000.00.
Sa ulat, 5:44 ng hapon nang matuklasan ng kawani ng isang sangay ng JRS Express sa Samson Road, Brgy. 72 ang kahina-hinalang paketeng ipinadadala sa kanila ng suspek sa Tagum City sa Davao De Norte .
Nakalagay ang pangalan ng tatanggap, nang inspeksiyunin ito at humingi ng tulong sa pulisya ang pamunuan ng sangay ng JRS Express kaya’t nagresponde ang mga tauhan ng Grace Park Police Sub-Station 3 upang arestuhin ang nagpadala pero hindi na nila ito inabutan.
Ibinigay na ng JRS Express sa pangangalaga ng Station Drug Enforcement Unit ang naturang kontrabando para sa dokumentasyon at disposisyon
Sinabi ni Col. Lacuesta na makikipag-ugnayan na rin sila sa Regional Police sa Davao Del Norte upang matunton ang lalaking tatanggap ng pakete habang patuloy ang kanilang follow-up operation para sa ikadarakip ng nagpadala nito.(Beth Samson)