Advertisers
Inaresto ang isang empleyado ng Liquified Petroleum Gas (LPG) store na nagpanggap na hinoldap sa Esperanza, Agusan del Sur noong Biyernes.
Kinilala ang dinakip na si Bamjo Valles, 27 anyos, sales clerk at residente ng Purok 4, Brgy. Mahayahay, Sibagat, Agusan del Sur.
Sa report ni CARAGA Police Director P/Brig. Gen. Pablo Labra II, 7:30 ng umaga nang dumulog si Valles sa Esperanza Municipal Police Station (MPS) upang i-report ang umano’y panghoholdap sa Pryce Gases Incorporated na matatagpuan sa Purok 9, Poblacion, Esperanza ng lalawigang ito.
Sa salaysay ni Valles, dalawang armadong suspek umano ang nangholdap sa kanilang establisimyento kung saan iginapos siya saka tinakpan ng tape ang kaniyang bibig para hindi makasigaw.
Ayon kay Valles, wala siyang nagawa dahil armado at higit na malakas ang mga suspek kung saan sinimot ng mga holdaper ang laman ng vault ng Pryce gas na naglalaman ng P22,645 saka mabilis na tumakas patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Nagduda ang mga awtoridad sa salungat na pahayag ni Valles nang sabihin ng mga kalapit na establisyemento na wala namang silang napansin na riding-in-tandem suspects na pumasok sa loob ng tanggapan ng Pryce Gas Inc.
Lalo pang napatunayang nagsisinungaling si Vales nang silipin ng mga imbestigador ang CCTV footage sa lugar at nakitang mismong ang una ang lumimas sa vault ng nasabing establisimyento.