Advertisers
Sugatan ang sampung katap kabilang ang driver ng pampasaherong jeep nang mahulog sa mababaw na bangin sa national highway sa Brgy. Natipuan, Nasugbu, Batangas, Lunes ng madaling-araw.
Kabilang sa nasugatan ang nagmamanehong si Edgardo Balan at siyam na pasaherong sina Phoebe Eunice Guillermo, Gilbert Alcaparas, Otessa Alcaparas Shimomura, Rhodora Gawaran, Roderick Gawaran, Hershey Pearl Reyes, Eunah Pearl Reyes, French Rheybie Hondrade at Leila Canlas.
Ayon sa report ng Nasugbu police, galing sa outing sa beach sa Matabungkay, Lian, Batangas ang mga biktima at papauwi na sa Imus, Cavite nang mangyari ang aksidente sa Nasugbu-Ternate road 2:00 ng madaling-araw.
Base sa imbestigasyon, tinatahak ng nasabing jeep na may 27 sakay ang pababang bahagi ng highway nang mawalan ito ng preno.
Para mapahinto, biglang kinabig ng driver ang manibela at isinalpok sa mga concrete barrier sa gilid ng kalsada subali’t lumusot ito at nahulog sa hindi kalalimang bangin.
Nagtamo ng pinsala ng jeep sa unahang bahagi at natanggal pa ang dalawang gulong sa unahan.
Isinugod ang mga biktima sa Apacible Memorial District Hospital sa Nasugbu para malapatan ng lunas dahil sa iniindang mga sugat, pasa at pananakit ng mga katawan.