Advertisers

Advertisers

2 BGY. CHAIRMEN, 20 KAGAWAD SA MAYNILA SANGKOT SA DROGA

0 135

Advertisers

MAY dalawang barangay chairman at 20 kagawad sa Lungsod ng Maynila ang isinasailalim sa monitoring ngayon ng Manila Police District (MPD) dahil sa hinalang pagkakasangkot sa operasyon ng iligal na droga.

Bagama’t tumanggi na pangalanan, sinabi ni MPD Director, Brigadier General Andre Dizon, na kasama sa drug watchlist ng PNP at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang naturang barangay officials.

Bahagi ito ng kampanya ngayon ng pamahalaan at ng pulisya na tuluyang walisin ang iligal na droga sa lipunan partikular ang mga may katungkulan na posibleng direktang sangkot sa operasyon o kaya’y nagsisilbing mga protektor ng mga sindikato.



Matatandaan na una nang hinamon ng heneral ang mga kakandidato sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre na sumailalim muna sa drug test para mapatunayan ang pagiging malinis nila sa iligal na droga.

Maaalala rin na gumawa noon ang MPD ng “narco-list” ng barangay officials na hinihinalang sangkot sa operasyon ng iligal na droga bago ang halalan sa barangay noong Mayo 2018.