Advertisers
ISANG tug boat ang lumubog at nagkaroon ng oil spill sa Subukin Port sa San Juan, Batangas Miyerkole ng gabi.
Base sa paunang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Batangas, lumubog at tumagilid ang halos kalahati ng parte ng tug boat nang salpukin ito ng malalakas na alon, na agad naman nirespondehan ng PCG Marine Environmental Protection Group na pinangunahan ni Captain Victorino Acosta IV.
Napag-alaman mula sa ginawang assessment ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng nabanggit na bayan na kumalat ang langis sa lawak na 300 square meters mula sa natapon na langis na tinatayang nasa 30 hanggang 40 litres galing sa tug boat. Wala naman naiulat na nasaktan sa insidente.
Mabilis namang nagsagawa ng oil spill prevention ang mga tauhan ng Coast Guard at ang mga crew ng tug boat na M/Tug Strong Bravery gamit ang absorbent pads at isinalin ang mga nakuhang langis mula sa dagat sa empty drums.
Pinangangambahan ng local government ng San Juan ang posibleng maging epekto ng oil spill sa mga mangingisdang nakatira malapit sa lugar at sa kanilang turismo.
Sinabi ni MENRO Officer Mr. Noel Pasco na mayaman sa marine ecosystem ang lugar na naapektohan ng oil spill kaya’t kailangan nila itong pangalagaan at proteksyunan.
Maliban sa mga isasampang kaso ng San Juan LGU, posible rin kasohan ng paglabag sa ilalim ng Marine Oil Pollution Laws (MARPOL) 73/78 Annex 1at iba pang Marine Environmental Laws ang ang may ari at kapitan ng barko. (Koi Laura/Jocelyn Domenden)