Advertisers
Tinatayang aabot sa P16.8 milyong halaga ng high-grade marijuana o Kush ang nasabat ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG) mula sa balikbayan box shipment sa Pair Cargo Warehouse sa Pasay City.
Sa ulat, hindi muna pinangalanan ang inarestong consignee sa isinagawang joint controlled delivery operations nitong Sabado sa Antipolo, Rizal.
Dumating ang parcel sa NAIA mula California, USA sa pamamagitan ng balikbayan box, na idineklara bilang personal effects.
Gayunpaman, sa x-ray screening at physical Customs examination, napag-alamang naglalaman ito ng 12,000 gramo ng mga tuyong dahon na natuklasan high-grade marijuana o Kush.
Kasalukuyang isinasailalim sa custodial investigation ng PDEA ang naarestong claimant para sa inquest proceedings para sa paglabag sa RA 9165 at RA 10863 o the Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).(Jocelyn Domenden)