Advertisers

Advertisers

PANIBAGONG CESSNA AIRCRAFT NA LUMIPAD SA BICOL, NAWAWALA

0 251

Advertisers

HINDI pa man natatapos ang paghahanap ng mga rescuers sa anim na pasahero na lulan ng isang aircraft ay panibagong ‘tawag ng tungkulin’ na naman ang kanilang gagawin makaraang isa pang Cessna airplane ang nawawala matapos itong lumipad mula sa Bicol International Airport (BIA) noong Sabado (Pebrero 18, 2023) patungong Maynila na may sakay na apat katao kabilang ang piloto nito.

Sa ulat na natanggap ng Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) natukoy ang pangalan ng sasakyang panghimpapawid na isang Cessna 340 Caravan na may registry number na RP-C2080.

Ito ay umalis sa BIA noong Sabado bandang 6:43 ng umaga at inaasahang darating sana sa Maynila ng 7:53 din ng umaga.



Sinabi ni CAAP spokesman Eric Apolonio na nakatanggap ang PARCC ng mga mensahe mula sa Manila Approach noong 7:45 AM na wala silang contact sa RP-C2080 na umalis sa BIA ng 6:43 ng umaga kung saan ay huling nakontak sa Legaspi Approach alas-6:46 AM sa trabers ng Camalig bypass.

Sinabi ni Apolonio na ang paghahanap ng komunikasyon sa mga pasilidad ng Air Traffic System (ATS) ng CAAP, Manila Area Control Center, Manila Approach, Naga Tower, Clark Tower, Sangley Tower ay nagbunga ng negatibong tugon sa nasabing aircraft.

Noong 9:08 AM Sabado, itinaas ng PARCC ang sitwasyon sa distress phase o (DETRESFA) isang sitwasyon kung saan may makatwirang katiyakan na ang isang sasakyang panghimpapawid at ang mga sakay nito ay nanganganib ng matindi at nangangailangan ng agarang tulong.

Idinagdag ni Apolonio na ang mga kinauukulang ahensya at awtoridad tulad ng local government unit ng Camalig, Philippine Air Force (PAF), Philippine Coast Guard (PCG), Office of Civil Defense (OCD), at National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) ay nakikipag-ugnayan na sa CAAP para sa agarang search and rescue (SAR) operations kaugnay sa nawawalang aircraft.

Nagpadala na rin ang CAAP ng mga opisyal mula sa Aircraft Accident Investigation and Inquiry Board (AAIIB) nito para tumulong sa emergency na ngayon ay nasa Distress Phase (DETRESFA).



Noong nakalipas na buwan ng Enero ay isang Cessna aircrat na may registry number na RP-C1174 lulan ng anim pasahero ang kasalukuyang pinaghahanap pa rin ng Search and Rescue Team matapos bumagsak sa isang magubat, galing sa Cauayan Airport patungo sana sa Maconacon Airport, Isabela. (JOJO SADIWA)