Advertisers
SAMPUNG tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI 7) sa Central Visayas at isa pa ang inireklamo sa Ombudsman sa Cebu City dahil sa umano’y pagbulsa sa malaking halaga sa ginawang pagsalakay sa isang sabungan sa Minglanilla, Cebu noong nakaraang taon.
Sa walong pahinang reklamo na isinampa sa Office of the Ombudsman-Visayas nitong Feb. 28, 2023, inakusahan ni Mary Cris Cabalquinto ang mga ahente ng NBI ng pag-abuso sa kapangyarihan nang maghain ang mga ito ng search warrant sa Amenic N’ Calajoan Cockpit sa Barangay Calajoan, Minglanilla noong Sept. 16, 2022.
Inakusahan ni Cabalquinto ang mga ahente ng NBI 7 ng pagbulsa ng nasa P8.3 million na kita ng sabungan, at iba pang mga paglabag.
Inakusahan din ni Cabalquinto, nagtatrabaho bilang cashier ng sabungan, ang NBI 7 officials ng ‘grave misconduct’.
Ang mga respondent ay sina NBI 7 Director Rennan Augustus Oliva; supervising agents Wenceslao Galindez at Donaver Inesin; agents Contessa Lastimoso, Agapito Gierran, Bienvenido Panacean at Niño Rodriguez.
Kasama rin sa inireklamo sina administrative aide Audie Ybiernas, job order employees Erman Mier at Mark Dominique Nadela, at civilian Michael Castro, at isang “retired police officer.”
Sa kanyang reklamo, sinabi ni Cabalquinto na sa raid noong Sept. 16, 2022, ang mga operatiba ng NBI 7 ay nakagawa ng “serious irregularities” tulad ng illegal search sa opisina ng sabungan gayung ang subject ng search ay ang “container van.”
“Instead, they went to and opened rooms not included in the search warrant, obviously to look for whatever valuables that they can cart away,” sabi ni Cabalquinto.
Sinabi ni Cabalquinto, mayroon siyang hawak na higit P8.3 million cash nang pumasok ang NBI 7 operatives. Kabilang sa halagang ito ang P5 million cash na ipinagkatiwala sa kanya ng ilang individuals at P3.3 million mula sa entry money ng mga kasali sa kanilang 7-Stag Derby noong araw na iyon.
Hindi rin, aniya, gumamit ng body camera o anumang recording devices ang mga nasabing operatiba sa pagsagawa ng raid.
Kinuwestyon din niya kung bakit pati ang job order employees at civilian ay kasama ng NBI 7 operatives sa raid.
Ayon pa kay Cabalquinto, nakunan ng CCTV camera sa kanilang tanggapan ang pagbulsa ng mga operatiba sa kanilang kita noong araw na iyon nang isagawa ang search, sa halip na ang i-search ay ang “container van” ayon sa operasyon laban sa e-sabong.
Ayon kay Atty. Louie Arma, abogado ni Cabalquinto, ibinigay nila ang videos sa Ombudsman bilang bahagi ng kanilang ebidensiya.
Sinabi ni Arma na ang ini-report ng NBI 7 na nakuha sa raid ay nasa P2.5 million lamang, gaayung ito’y P8.3 million.