Advertisers
MUNTIK nang mamatay ang isang empleyada ng Tayabas City Hall nang ihulog sa ilog ng kanyang kinakasamang traffic enforcer mula sa ibabaw ng tulay sa Tayabas City, Quezon, Martes ng gabi.
Kasalukuyan pang ginagamot sa ospital ang 28 anyos na biktimang si Verlyn Serrano Obcemia, residente ng Barangay Dapdap, Tayabas, dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan sanhi ng pagkahulog mula sa 10 metrong taas ng tulay.
Tumakas naman ang salarin na si Jerome Cabile Cabuyao, 33, matapos ang pangyayari.
Ayon sa report ng Tayabas City police, 10:30 ng gabi, galing sa birthday party ng isang kaibigan ang magka-live in at papauwi na sakay ng kanilang motorsiklo nang magtalo ang mga ito.
Itinigil ni Cabuyao ang motorsiklo sa gitna ng tulay at sa kasagsagan ng pagtatalo itinulak nito ang babae at inihulog sa tulay.
Bumagsak ang biktima sa mababaw na tubig at batuhang bahagi ng ilog.
May ilang nakasaksi na agad nakatawag ng saklolo sa mga awtoridad. Naisugod ang biktima sa isang ospital sa Lucena City.
Ayon sa pulisya, nakainom si Cabuyao nang mangyari ang insidente.
Patuloy pang pinaghahanap ng pulisya si Cabuyao na kakasuhan ng ‘frustrated homicide’.