Advertisers
MASUWERTENG sugat lang ang tinamo ng 70-anyos na negosyante nang batuhin ng baril sa mukha ng gunman matapos na hindi pumutok ang gamit nitong “paltik” sa Malabon City.
Sa report kay Malabon City Police chief, Colonek Amante Daro, 4:10 ng hapon habang nakaupo ang biktimang si Jaime Go, residente ng Barangay Panghulo, sa loob ng bahay sa Brgy. Tinajeros nang sumulpot ang isang lalaki na nakasuot ng long sleeve, itim na short pants at itim na cap.
Kaagad naglabas ng baril ang lalaki at binaril si Go, subali’t sa kabutihang palad hindi pumutok ang armas.
Sa gigil ng salarin, ibinato na lamang niya sa mukha ng biktima ang kalibre .38 na baril at mabilis na tumakas gamit ang isang bisikleta nang humingi ng tulong ang isang babaeng kasambahay ng matanda na nakasaksi sa pangyayari.
Isinugod ng kasambahay ang kanyang amo sa Tondo Medical Center dahil sa malalim na sugat sa mukha nito, dulot ng pagbato rito ng baril ng salarin.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa krimen.(BETH SAMSON)