Advertisers
ISINAILALIM na sa ‘inquest proceedings’ ang anim na “persons of interest” sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig sa Department of Justice (DOJ).
Sa ulat, 10:00 ng umaga nitong Huwebes nang dumating sa DOJ ang dalawa, at bandang 11:00 ang apat.
Naaresto ang anim na persons of interest ng Biñan Police. Tatlo sa kanila ay mga estudyante ng Adamson University, at ang tatlo ay mga miyembro ng fraternity sa Biñan Chapter.
Positibo silang kinilala ng nakasama ni Salilig sa hazing na si Roi dela Cruz.
Nabatid na bukod kay Dela Cruz, isa pang testigo ang lumutang para idetalye ang ginawang paglibing kay Salilig.
Sa pahayag ng isa pang saksi, sinabi nitong nataranta ang kaniyang mga ka-brod kaya’t hindi na naisugod pa sa ospital si Salilig, kaya’t napagdesisyunan na ibaon na lamang ito sa Imus, Cavite.
Bukod sa anim na persons of interest na hawak ng mga awtoridad, may walong iba pa na nasa likod ng pagkamatay ni Salilig ang pinaghahanap ng mga pulis.
Samantala, papasok narin ang National Bureau of Investigation o (NBI) sa imbestigasyon sa pagkamatay ng chemical engineering student na Salilig.
Ito ang kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Mico Clavano matapos makarating kay Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang hazing case.
Nais ni Remulla na tumulong ang NBI na magsagawa ng hiwalay na imbestigasyon para mapadali ang pagpapanagot sa batas sa mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.