Advertisers
MAY malaking pananagutan ang may-ari ng bahay kungsaan ginawa ang fraternity initiation rites na nagresulta ng pagkasawi ng isang estudyante ng unibersidad, sabi ng isang kongresista na kasama sa pagbuo ng anti-hazing law.
“They are also liable,” sabi ni Deputy Minority leader Representative Bernadette Herrera-Dy sa panayam ng CNN Philippines, patungkol sa pagkamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig, isang 24-year-old chemical engineering student, na inilibing sa bakanteng lote sa Imus, Cavite noong Pebrero 28, 2023.
Ayon sa pulisya, dumalo si Salilig sa initiation rites ng Tau Gamma Phi (Triskilion) fraternity sa Biñan, Laguna kungsaan naiulat siyang nawawala noong Pebrero 18.
Nakasaad sa Anti-Hazing Act, na kasama sa pagbuo si Dy, “the owner or lessee of the place where hazing is conducted shall be liable as principal.”
Kapag napatunayan na alam ng isang tao ang pagsagawa ng hazing sa isang lugar, pero hindi iniulat sa mga awtoridad, ito ay makukulong ng 40 taon (reclusion perpetua) at pagmumultahin ng P2 million hanggang P3 million.
Pinaalalahan ni Dy ang landlords na maging mapagmatyag, lalo na kung ang tenants at mga estudyante.
Pinaalalahanan niya rin ang school officials na sila’y may pananagutan sa pagkasawi ni Salilig dahil sa negligence.
Nakasaad sa batas na ang university authorities ay kailangang nasa anumang initiation rites ng kanilang student organizations. Ang ‘di pagdalo nito ay may multa na P1 million.
Kapag ang school authorities pati ang barangay, municipal, o city officials aynapatunayang hindi nakagawa ng aksyon sa kabila ng alam nilang may gagawing hazing, mahaharap din sila sa kaso, sabi ni Dy.
Ang mga kasamahan ni Salilig na ni-recruit ay may pananagutan din kapag napatunayang hindi nila iniulat sa mga awtoridad ang insidente.
Para matigil na ang patuloy na problema sa hazing deaths, iminungkahi ni Dy ang one-strike policy at blacklisting ng organizations na nagsasagawa ng fatal act.
Aniya pa, ang grupo na mapatunayang ‘guilty’ ay dapat suspendehin agad ng paaralan.
At ang organization officers ay dapat panagutin, habang ang alumni na present sa initiation ay dapat tanggalan ng professional license, diin ni Dy.