Advertisers
IBINUNYAG ni Senate President Juan Miguel Zubiri na walang sapat na numero sa Senado ang isinusulong na pag-amyenda sa “economic provisions” ng 1987 Constitution.
Sinabi ni Zubiri, sa kanyang pagkakaalam ay halos kalahati ng mga kasamang mambabatas sa Mataas na Kapulungan ay ayaw o hindi pa handa sa Charter Change (Cha-Cha).
Kahit, aniya, itulak ito ng ilang kasamahang Senador ay hindi ito makakakuha ng kailangang 3/4 votes na katumbas ng 18 boto na pagpabor ng mayorya ng mga Senador.
Mas mainam aniyang pagtuunan ng pansin ang priority measures na napagkasunduan sa ilalim ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa halip na Cha-Cha, na nagdudulot lamang ng dibisyon sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Dagdag pa ng Senate leader, kung walang suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay mahihirapang umusad ang Cha-Cha dahil sa executive department, partikular sa Department of Budget and Management (DBM) manggagaling ang pondo para rito.
Una nang sinabi ni Pangulong Marcos na hindi niya prayoridad ang pagsusulong ng Cha-Cha.
Si Senador Robinhood Padilla, chairman ng Committee on Constitutional Amendments and Revision Codes, ang pursigidong amyendahan ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Kapag hindi raw ito mangyari ay magre-resign siya sa pagka-senador.