Advertisers

Advertisers

SP member ng Romblon nagwala sa sabungan, baril pumutok: badigard sugatan

0 476

Advertisers

NAGTAKBUHAN ang mga sabungero sa isang sabungan nang pumutok ang baril ng isang board member ng Sangguniang Panlalawigan ng 1st District ng Romblon nitong nakaraang Sabado, Marso 11 sa isla ng Romblon.

Kinilala ang SP member na si Narciso “Jun” Bernardo.

Sugatan sa insidente ang personal aide ni Bernardo na si Jerome Madeja, 37 anyos.



Sa ulat ng Romblon Municipal Police Station, nangyari ang insidente Marso 11 ng 3:20 ng hapon sa Perca Cockpit Arena sa Barangay Bagacay.

Nasa loob ng sabungan si Bernardo nang utusan niya si Madeja na iabot sa kanya ang sling bag na naglalaman ng kanyang baril. Pero aksidente umanong nahulog mula sa bag ang baril at nang saluhin ito politiko ay aksidente umano niyang nakalabit ang gatilyo nito, pumutok at tinamaan ng bala ang kaliwang paa ng badigard.

Itinakbo ang biktima sa Romblon District Hospital.

Hindi raw interesado si Madeja na magsampa ng kaso laban sa kanyang boss dahil aksidente ang nangyari.

Samantala, ibinahagi ng Romblon News Network sa Facebook ang footage ng pagtakbuhan ng mga tao mula sa sabungan matapos pumutok ang baril ni SP Bernardo.



Sa isa pang post ng video sa loob ng sabungan, makikitang hawak ni Bernardo ang mikropono sa gitna ng cockpit arena at maririnig sa audio na pinagmumura niya ang mga sabungero. “Mga yawa kamo”, sigaw niya sa mikropono sa salitang Romblomanon.

Hindi sinabi sa police report kung ano ang rason ng pagwawala ni Bernardo, kung anong kalibre ang baril nito at kung lisensiyado ba ito.