Advertisers
NAGBABALA ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na ipakukulong ang sinumang magsisinungaling sa testimonya sa pagdinig ng House Committee on Agriculture and Food ukol sa hoarding at mataas na presyo ng sibuyas.
Sa Martes ay ipagpapatuloy ng komite na pinamumunuan ni Quezon Representative Mark Enverga ang pagdinig ukol sa pagtatago sa agricultural products at labis na pagtaas ng presyo ng sibuyas.
“I cannot stress enough for these resource persons the importance of cooperating with the committee: lie to lawmakers and you will all find yourselves in jail,” babala ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Ang Kamara ay patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon upang mailantad ang mga tiwaling financiers at traders na nasa likod ng cartel ng sibuyas at gulay kungsaan sa mga naunang pagdinig ay isinailalim na sa contempt at naidetine sa Kamara ang tatlong opisyal ng Argo International Forwarders Inc. nang tumanggi makipagtulungan sa mga mambabatas.
Sinabi ni Committee chair Rep. Enverga na ang “citation for contempt” ay naalis lamang matapos tiyakin ng tatlo na sila ay makikipagtulungan at magsusumite ng mga hinihinging dokumento na makatutulong sa pagreresolba sa nagaganap na pagmamanipula sa presyo ng sibuyas at sa ikalalantad ng mga lider ng cartel.
Giit pa ng kongresista, ang layunin ng komite ay mabawasan ang napakataas na presyo ng sibuyas at malansag ang kartel ng gulay.
Lalo aniyang hindi magiging katanggap-tanggap kung ang mga kasabwat sa manipulasyon ng presyo ng gulay ay mga nasa gobyerno.
Gaya ng mga naunang pahayag nina Enverga at SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta, patuloy na umaasa si Romualdez sa pakikipagkaisa nina Argo President at General Manager Efren Zoleta Jr., Argo Operations Manager John Patrick Sevilla, at legal counsel Jan Ryan Cruz na mailalantad ang mga hoarders.
“Let your detention by the committee be a lesson: if you will not tell us the truth, we will send you to jail.” (Henry Padilla)