Advertisers
PINAGBIBITIW ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., ang Bureau of Immigration (BI) officers kung hindi mareresolba ang problema sa napakaraming kababayan na nao-offload sa kanilang biyahe kahit walang matibay na basehan.
Kaugnay ng hamon ng senador ng nag-viral na video ng isang offloading incident sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kungsaan detalyadong ikinuwento ng isang pasaherong papunta ng Israel ang kanyang naging karanasan sa isang immigration officer na hiningan siya ng yearbook at graduation picture na wala namang kinalaman sa kanyang biyahe at naiwan pa siya sa kanyang flight.
Sinita ni Revilla ang inilabas na statement ng BI na ipinagmalaki pa na sa mahigit 30,000 pasaherong kanilang in-offload noong 2022, 472 lang ang may kaugnayan sa human trafficking, 873 ang nag-misrepresent sa kanila at sampu ay mga menor de edad.
Giit ng senador, lumalabas na wala pang 4.2 percent ang may in-offload ng may basehan, at mas nakakagalit aniya ay 1.45 percent lang sa kabuuang bilang ang konektado sa human trafficking.
Puna pa ni Revilla, sobrang daming oras at pera ng mga pasahero ang nasayang dahil sa mga walang katuturan na pag-offload sa mga ito at daig pa ng BI ang korte sa lawak ng discretion at authority nila para harangin ang biyahe ng mga pasahero.
Kung hindi, aniya, aayusin ng BI ang kanilang sistema at ang nasabing problema ay mabuti pang magsi-bitiw na sa mga pwesto ang mga ito.