Advertisers
MASUSING pag-aaralan at ikokonsidera ng Commission on Elections (Comelec) ang itatakdang petsa para sa paghahain ng Certificates of Candidacy (COC) para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections ngayong taon.
Ginawa ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang pahayag matapos umapela si Sen. Francis Tolentino sa poll body na ipagpaliban ang paghahain ng COC sa buwan ng Agosto.
Nauna nang inihayag ng poll body na ang paghahain ng COC ay mula Hulyo 3 hanggang Hulyo 7.
Saad pa ng Comelec chairman na mayroon nang mga inisyal na talakayan sa bagay na ito ng Commission en banc ilang araw na ang nakalipas at umaasang makabuo ng pinal na desisyon ngayong araw ng Miyerkules, Marso 22.
Magugunitang sinabi noon ng Commission en banc na ang isang taong maghahain ng COC ay agad na ikokonsiderang kandidato. Ito ay sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema noong 2009 sa Peñera vs Comelec case, o ang Peñera Doctrine na nagpapawalang-bisa sa pagbabawal sa premature campaigning.
Ipinaliwanag ni Garcia na mula sa oras ng paghahain ng COCs hanggang sa araw bago ang campaign period, ang mga kandidato ay hayagang nagsasagawa ng maagang pangangampanya na hindi natatakot sa anumang kahihinatnan nito dahil sa doktrina ng Peñera doctrine.