Advertisers
KULONG ang isang retiradong miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) nang bugbugin nito ang isang guro sa loob ng eskwelahan sa Barangay Cotcot, Liloan, Cebu.
Kinilala ang salarin na si Ferdinand Laurente Manto, 56 anyos, ng Barangay Catarman, Liloan.
Ang biktima ay si Paolo Catarina Mollena, 24, guro ng isang Academic and Skills Development School sa nabanggit na bayan.
Naganap ang insidente 12:49 ng madaling araw nitong Linggo sa loob ng nabanggit na eskwelahan.
Dumating si Manto, ama ng may-ari ng eskwelahan, at nilapitan si Mollena na kasalukuyang nagtuturo sa nagka-campfire na mga estudyante.
Inutusan umano ni Manto si Mollen na hanapin ang isang empleyado ng eskwelahan, subali’t hindi ito sinunod ng huli dahil abala ito sa pagtuturo.
Sa harap ng mga estudyante, tatlong beses pinalo ni Manto ang titser sa likod at sinuntok pa.
Sinabihan pa ng salarin ang guro na ayaw na niya itong makita sa loob ng eskwelahan kinabukasan.
Agad umalis ng eskwelahan ang guro at nagpasama sa isang kapatid para magsumbong sa pulisya.
Inabutan pa ng mga rumespondeng pulis si Manto habang nasa loob ng eskwelahan. Agad itong dinampot at dinala sa presinto.