Advertisers
KINUMPIRMA ng Malakanyang ang pagbibitiw ni Sugar Regulatory Administration (SRA) chief David Thaddeus Alba.
Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), inimporma ni Alba si Executive Secretary Lucas Bersamin hinggil sa kanyang pagbibitiw sa pwesto noon nakaraang Miyerkules.
“ES Lucas Bersamin tried to persuade Alba not to resign, but he (Alba) reasoned out his worsening health condition,” sinabi ng PCO.
Dahil na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, ang pagre-resign ni Alba ay magiging epektibo sa darating na Abril 15 para mapaghandaan ang itatalaga sa nabakanteng pwesto.
Sa isang panayam sa isang kilalang telebisyon, sinabi ni SRA board member Pablo Luis Azcona na ang pagbibitiw ni Alba ay inihayag sa kanilang regular na board meeting noong Lunes.
Nang tanungin kung ang pagbibitiw ay konektado sa kontrobersyal na pag-aangkat ng 400,000 metriko tonelada ng asukal, sinabi ni Azcona, na kumakatawan sa mga nagtatanim sa board, na ang narinig niya ay nagkakaroon ng problema si Alba sa kanyang presyon ng dugo.
Sinabi ni Azcona na isang board resolution ang naipasa na nagpapahintulot sa tatlong deputy administrator na gampanan ang iba’t ibang tungkulin at tungkulin ng administrator. (Vanz Fernandez)